Simula na ng padyakan ngayon
MANILA, Philippines - Inaasahang masusukat agad ang husay at tibay ng dibdib ng mga siklistang kasali sa Le Tour de Filipinas (Tour of the Philippines) sa pagratsada sa kalye ngayon sa Tagaytay City.
Apat na yugto lamang ang idaraos sa Le Tour de Filipinas na bigyan ng basbas ng international federation sa UCI at idineklara bilang isang 2.2 race at naglaan ng mahigit na P1 milyong premyo na kung saan ang bawat lap winner ay magbibitbit ng P84,000 gantimpala.
Magkakasubukan agad dahil ang karera na isang Tagaytay-Tagaytay race na siyang pinakamahaba sa apat na yugto sa 148.9 kilometro at katatampukan ng mga ahunan at tagisan sa bilisan sa patag na daanan.
Mga pinagpipitaganang siklista ng bansa sa pangunguna ni Warren Davadilla, ang huling Pinoy na nanalo sa isang karera sa bansa na nilahukan ng mga banyaga na nangyari noong 1998, ang mga magtatangkang makuha ang titulo sa taong ito.
Si Davadilla nga ay sariwa sa pagkapanalo sa isang dalawang araw na Tour na tila kanyang pagpapakita na taglay pa nito ang lakas na hinangaan sa kanya nang magdomina sa 1998 Tour.
Naririyan din sina Victor Espiritu, Arnel Quirimit, Santy Barnachea, Joel Calderon at Mark Guevarra na pare-pareho ring nakagawa na ng marka sa taunang karera ng bisikleta ng bansa.
- Latest
- Trending