Francisco-Nuñez magkakasukatan ngayon

MANILA, Philippines - Higitan ang naipakitang panalo nang nakalaban ang isang dahilan ang nasa isip ngayon ni Drian Francisco sa pagsabak niya laban kay Ricardo Nu­ñez ng Panama para sa WBA title eliminator sa Ynares Sports Center sa Pasig City.

Tampok na sagupaan ang nasabing laban at tiyak na masusukat si Francisco kay Nuñez na hindi biru-birong kalaban.

Nakataya sa mana­nalo ang maging mandatory challenger sa WBA champions na ngayon ay pi­nagsaluhan nina Noubo Na­shiro at Vic Darchinyan.

“Mahalaga itong laban na ito dahil kung manalo ako ay mabibigyan ng ka­­tu­paran ang pangarap ko na maging world champion,” wika ni Francisco na tinaguriang Gintong Kamao at may ring record na 18 panalo at isang tabla bukod sa 14 KO.

Huling lumaban si Fran­cisco laban sa isang da­yuhan ay kontra kay Ro­berto Vasquez na kanyang hiniya sa pamamagitan ng 10th round TKO panalo noong Oktubre sa Cu­neta Astrodome.

Bigating kalaban si Nuñez na mayroong 17 pa­nalo at isang talo bukod sa 15 KO. Huling talo nga nito ay noon pang Marso, 2008, at nakapaglubid na siya ng pitong panalo at anim nga rito ay naku­ha sa pamamagitan ng knockout.

Kung may isang bagay na maaaring gamitin ni Francisco, ito’y ang suporta ng mga manonood dahil unang laban ito ni Nuñez sa labas ng Panama.

Wala naman naging prob­lema sa timbang ng dalawa sa weigh-in ka­hapon dahil sa 115-pounds tumimbang ang dalawang magtatagisan sa main event.

Show comments