SAN JOSE, Tarlac, Philippines - Kagaya ng inaasahan, ang swimming pool ang siyang pinagkunan ng four-time champions National Capital Region ng halos karamihan ng kanilang mga gintong medalya sa papatapos na 53rd Palarong Pambansa dito sa Tarlac Recreational Park kahapon.
Kabuuang 29 gold medals ang nilangoy ng mga Big City tankers, kasama rito ang bagong marka sa secondary boys’ 400m relay na 3:43.83, habang humakot naman ang karibal nitong CALABARZON ng 15 sa pagwawakas ng swimming event.
Mula sa swimming pool, dinala naman ni Patrick Unso ang kampanya ng NCR sa track and field nang pamunuan ang 4x100-meter relay team sa bagong rekord na 43.24 segundo at burahin ang 1995 mark na 43.60 ng STRAA.
Ito ang pang apat na gintong medalya ng 17-anyos na anak ni dating national hurdler Renato Unso, kasama na ang paglilista ng tatlong bagong Palaro record.
Nagtayo rin ng bagong rekord sina Francisco Valdecanas, pamangkin ni dating Justice Secretary Agnes Devanadera, ng NCR at Maika De Oro ng Western Visayas sa secondary boys’ pole vault (4.05m) at sa secondary girls’ discuss throw (36.00m), ayon sa pagkakasunod, habang pinantayan ni Daniel Noval ng Central Visayas ang 1998 marka ni Ronald Caluanan sa elementary boys’ 200m run (22.19).
Dalawang ginto naman ang inangkin ni Vanessa Del Valle ng CALABARZON sa secondary girls’ 3,000m run (10:45.13) at 1,500m run (4:58.78).
Samantala, magbibigay si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping ng cash incentive na P5,000 sa mga record breakers.
Labing isang meet records ang nasira sa track and field na kinabibilangan ng tatlo ni Unso at dalawa ni Alyssa Mae Andrade ng Western Visayas, habang anim naman sa swimming kung saan ang dalawa rito ay kay Bondad. Sa secondary boys’ boxing, sumuntok ang SOCSARGEN, NCR at Western Visayas ng tig-dalawang ginto.