MANILA, Philippines - Nagpasabog ng tournament high na 27 puntos si Angela Benting upang pangunahan ang mahirap na 25-11, 25-14, 23-25, 25-22, tagumpay ng Adamson laban sa St. Benilde sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 7 kahapon sa The Arena sa San Juan.
Unang tagumpay sa dalawang asignatura sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT My DSL at suportado ng Shakey’s Pizza ang nakuha ng Lady Falcons na naglaro ng hindi nagamit ang serbisyo nina Cha Cha Moralde at Jill Gustilo.
Pero hindi naramdaman ang pagkawala ng dalawang ito dahil sa matikas na paglalaro ng team skipper na si Benting.
Nagdagdag din ng 18 hits si Pau Soriano habang ang guest player na si Nene Bautista ay mayroon ding kasing-tulad ng puntos ni Soriano kahit may iniindang sipon.
Ang kabiguan ng Lady Blazers ay ikalawang sunod at kailangan nila ngayon na maipanalo ang huling dalawang laro laban sa Lyceum sa University of San Jose Recoletos para makaabante sa quarterfinals sa ligang suportado rin ng Mikasa, Accel at Mighty Bond.
May 19 hits at apat na blocks si Giza Yumang ngunit ininda ng Lady Blazers ang pagkulapso ng paglalaro sa ikaapat na set upang matalo sa laro.
Nakalamang pa nga ang Lady Blazers sa 12-10 sa ikaapat na set pero maluwag ang kanilang depensa upang lumayo na ang Lady Falcons sa 24-20.
Natapyasan ng St. Benilde ang kalamangan sa 22-24 pero kumawala ng kill si Bautista para selyuhan ang pagdodomina sa labanan.
“Nangangapa pa ang mga players sa kanilang laro pero tiwala ako sa tsansa naming sa conference na ito,” wika ni coach Dulce Pante na hangad na mapag-ibayo ang pangalawang puwesto na pagtatapos na kinuha sa huling conference na dinomina ng UST.
Ang 10 koponan kalahok ay hinati sa dalawang grupo at ang mangungunang apat na koponan matapos ang single round elimination ay aabante sa quarterfinals habang maagang bakasyon ang matatamo ng mangungulelat sa magkabilang grupo.