MANILA, Philippines - Makikilatis ang lakas ng Visayan team Southwestern University sa pagharap nito sa NCAA champion San Sebastian sa pagpapatuloy ng Shakey’s V-League Season 7 ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Pinalakas ng SWU ang kanilang kampanya sa pagkuha sa serbisyo ni Thai player Piyatada Lasungnern sa hangaring madomina ang ligang iprinisinta ng PLDT MyDSL at suportado ng Shakey’s Pizza.
Si Lasungnern ay dating national player sa Thailand at naglaro sa Asian Youth Girls Volleyball Tournament at sa World Youth Volleyball Championships.
Masusukat ang Thai import ng SWU na nagdodomina sa CESAFI, dahil ang Lady Stags ay binubuo naman ng mga matitikas ding manlalaro sa pangunguna ng nagbabalik na Thai import Bualee Jaroensri.
Magbabalik din sa koponan sina Joy Benito, Mari Pepito, Bonsai Mirasol at guest player Suzanne Roces sa hangaring magkampeon uli na huling nangyari sa pangalawang conference sa taong 2008.
Ang laro ay itinakda dakong alas-4 at mauuna munang magtagisan sa opening game ng ligang inorganisa ng Sports Vision at binigyan din ng ayuda ng Mikasa, Accel, at Mighty Bond ay ang dating kampeon Adamson at Lyceum ganap na alas-2 ng hapon.
Sina dating MVP Nene Bautista, Pau Soriano, Jil Gustilo at Angela Benting ang mga mangunguna sa Lady Falcons na sasagupain ang Lady Pirates na pinalakas ng pagdating ni Tip Santrong ng Thailand.
Si Santrong ay dati ring naglaro sa national team ng Thailand at inaasahang ang karanasan nito ay makakatulong upang maging palaban ang kanilang koponan.
Ang mananalong mga koponan ngayon ay makakasalo sa 1-0 karta na kasalukuyang tangan ng Ateneo at UST.
Tinalo ng Lady Eagles ang St. Benilde, 25-12, 26-24, 25-19, habang isang 25-9, 25-13, 25-13, straight sets din ang kinalawit ng Lady Tigresses sa FEU na nangyari nitong Linggo.