So babantayan sa Asian Individual chessfest

MANILA, Philippines - Apat na puwesto para sa 2011 World Cup sa Khanty-Man­siysk, Russia ang karagdagang pabuya na makukuha ng mga chess players na lalahok sa 2010 Asian Individual Chess Championships sa Subic Exhibition and Convention Center sa Subic mula Abril 20 hanggang 30.

Ikatlong pagkakataon sa hu­ling apat na taon na isasagawa sa bansa ang kompetisyon da­hil nais ng NCFP sa pangu­nguna ni Prospero Pichay na mabigyan ang mga Filipino ng de-kalibreng torneo bukod pa sa pagkakataon na makalahok sa World Cup.

Sa huling dalawang edisyon ng torneo, nabiyayaan ang mga Filipino chess players dahil sina GM Darwin Laylo, GM Rogelio Antonio at GM Wesley So ay nakalaro sa World Cup nang lu­mapag sa unang apat na pu­westo noong 2007 at 2009 na gi­nawa sa Cebu City at Subic.

Ang mga GMs na ito ay ka­sali uli pero ang mata ay naka­tuon sa batang GM na si So.

Si So ngayon ang may pina­kamataas na ELO rating sa ha­­nay ng mga Filipino players na 2665 base sa FIDE quarterly rating nitong Abril.

Unang malaking panalo ang pakay ng 16-anyos na GM sa taong ito sa torneong lalahukan ng 60 manlalaro kasama ang 19 mula sa China at 12 mula sa India.

Gumawa pa ng marka si So sa 2009 World Cup na nilaro sa Khanty-Mansiysk, Russia nang talunin niya sina dating world champion candidates GM Vassily Ivanchuk ng Ukraine at GM Gata Kamsky ng US.

“We have very good records in the Asian Individual Championships, so I expect our players to continue the trend” wika ni Pichay.

Kabilang naman sa mga bi­gating dayuhang manlalaro na kasali ay sina GMs Ni Hua (ELO 2667) , Zhou Jianchao (ELO 26­50) at Li Chao ( ELO 2613) ng China; Krishan Sasikiran (ELO 2686) at Pentala Harikrishna (ELO 2660) ng India; Le Quang Liem (ELO 2689), NguyenNgoc Truong Son (ELO 2642), Dao Thien Hai (ELO 2523), at Susanto Megaranto (ELO 2527) ng Indonesia; Zhang Zhong (ELO 2603) ng Singapore at Anton Fillipov (ELO 2598) at Kham­ra­kulov Djubarek (ELO 2509) ng Uzbekistan.

May gantimpalang salapi rin ang nakataya sa magkakam­peon dahil mabibitbit ng mana­nalo ang halagang US$6000 bu­hat sa kabuuang US$40,000 inilaan bilang premyo. Kasabay ding ilalaro ay ang Asian Individual Championship for women na magkakaroon ng kabuuang premyo na US$15,000.

Show comments