MANILA, Philippines - Ipinakita ni Mark Jason Melligen na hinog na siya para sa malalaking laban nang humirit ito ng one-sided na panalo laban kay Norberto Gonzales ng Mexico kahapon na ginanap sa Hard Rock Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Hindi nakahanap ng solusyon si Gonzales sa kaliweteng Filipino boxer sa kabuuan ng laban para lasapin ang 100-90 panalo sa tatlong huradong umiskor ng laban.
Walang round na nakuha si Gonzales na ilang ulit na tinamaan ng malalakas na suntok ni Melligen.
Sa eight round nga ay naputukan si Gonzales sa isang malakas na suntok upang katampukan ang dominasyon sa Mexicano.
Ang tagumpay na ito ay ika-18 sa 20 laban ni Melligen bukod pa sa 13 KO at napatunayan ng tubong Bacolod ang naunang sinabing kaya niyang manalo kay Gonzales na nalaglag sa ikalawang kabiguan sa 20 laban.
Ito ang unang pagkakataon na nalagay sa main event si Melligen at naipakita ng welterweight campaigner na nakabangon na ito buhat sa tinamong split decision na kabiguan kay Michael Rosales noong Nobyembre 13.
Ang tagumpay ay posibleng magbukas ng pintuan kay Melligen sa hangarin nitong mapalaban si Alfonzo Gomez na isa ring Mexicano at kasalukuyang hari ng 147-pound WBC Continental Americas.