Malaking papel ang gagampanan ni Samigue Eman sa kampanya ng Alaska Milk sa PBA Fiesta Confrence. That’s for sure!
Kitang-kita ito sa laro ng Aces kontra sa Talk N Text noong Miyerkules. Bagamat natalo ang Alaska Milk, 100-92 ay nabanaagan ng karamihan kung ano ang magiging role ni Eman at kung ano ang puwede niyang maitulong sa kanyang bagong koponan.
Hindi siya karelyebo ng starting center na si Joaquim Thoss. Sabay nga silang pinaglalaro ni coach Tim Cone at ito ang version ng Alaska Milk ng twin towers. At kung patuloy na aasenso ang performance ni Eman, aba’y mahihirapang sumabay ang ibang teams sa Aces
Kapwa nagtala ng tig-22 minutong playing time sina Eman at Thoss. Si Eman ay gumawa ng limang puntos, siyam na rebounds, isang steal at dalawang blocked shots at nagkaroon ng tatlong errors. Siya ay nagbuslo ng dalawa sa anim na field goals at isa sa apat na free throws sa kanyang unang game bilang isang Aces.
Sa kabilang dako, si Thoss ay nagtapos nang may dalawang puntos, anim na rebounds, dalawang assists, isang steal at dalawang errors. Iminintis niya ang lahat ng limang field goal attempts niya at sa freethrow line lang siya umiskor.
Ayon kay Cone ay halatang gigil na gigil maglaro si Eman. Kasi nga, may ilang attempts siya na “wideopen” naman pero hindi pumasok. Kailangan pa niyang mag-settle down upang maging mas effective.
Si Eman ay nasungkit ng Alaska Milk sa San Miguel Beer sa pagsisimula ng semifinal round ng nakaraang Philippine Cup. Ito’y matapos na ilaglag ng Beemen si Eman bilang “unrestricted free agent” upang bigyang daan ang pagbabalik ng two-time Most Valuable Player na si Danilo Ildefonso.
Dahil unrestricted si Eman, libre siyang nakalipat sa Alaska at hindi naubligang magbigay ng kapalit ang Aces. Kaagad siyang pinapirma ng dalawang taong kontrata.
Medyo nagsintir ang Beermen dahil tila nagkaayos na sila ng Air21 hinggil sa isang trade pero nauna nang na-iforward ng Alaska Milk ang dokumento ng kontrata ni Eman sa PBA Commissioner’s Office.
May ilan ngang nagtaka kung bakit si Eman ang inilaglag ng Beermen gayung puwede naman daw na si Mike Holper ang inilagay sa unrestricted list. Kung si Holper siguro ang inilaglag, hindi ito kukunin ng Alaska Milk. Pero “water under the bridge” na iyon. Okay lang daw sa San Miguel ang paglipat ni Eman. Karapatan niya iyon at okay lang na tingnan din niya ang kanyang future.
Tiyak na magpupursigi si Eman sa Alaska Milk upang patunayang may dapat din siyang kalagyan sa PBA. Tatlong taon na din naman siyang nagbubuhos ng hard work pero talaga lang malalim ang frontline ng San Miguel kung kaya’t hindi humahaba ang kanyang playing time at nababangko nga siya kadalasan.
Pero sa Alaska Milk, dalawa lang sila ni Thoss na legitimate big men. Kahit na maghati sila sa playing time ay okay lang. Eh, kung pagsasabayin pa sila, mas lalong okay.
Kung sa isang conference na may import ay humaba na ang playing time ni Eman, aba’y tiyak na mas hahaba pa iyan kapag All-Filipino na.