TARLAC , Philippines --Sina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at telecommunications tycoon Manny V. Pangilinan ang siyang magiging panauhing pandangal para sa pagbubukas ng 2010 Palarong Pambansa sa San Jose, Tarlac.
Kabuuang 15 competition venues ang siyang mamamahala sa 17 sports sa secondary level at 15 sa elementary class.
Ang Tarlac Recreational Park sa barangay San Juan de Valdez sa San Jose, Tarlac ang siyang magiging main hub ng 2010 Palarong Pambansa.
Ang iba pang venues ay ang Tarlac Plazuela sa Tarlac City, ang Victoria covered court sa Victoria town, Sunrise Subdivision, Lapuz Coliseum, Bayanihan Institute, Provincial Capitol gym, Hacienda Luisita, Paniqui Court, San Sebastian Court, Diwa ng Tarlac Park, Nolcom Park, Don Bosco, San Isidro Covered Court, CLDH Covered Court, San Rafael Covered Court at ang Ecumenical Christian College.
Kagaya ng inaasahan, ang athletics ang events na panggagalingan ng mga potensyal na national record breakers para sa 2010 Palarong Pambansa sa San Jose, Tarlac.
Sa elementary level ng athletics noong 2009, nagtala si Joneza Mie Sustituedo ng Iloilo ng tiyempong 4 minuto at 57 segundo para basagin ang dating markang 5 minuto ni Southern Tagalog Region Athletic Association (STRAA) runner Jovel Ambagon.
Si long jumper Alyssa Marie Andrade ng Aklan ang gumawa naman ng eksena nang iposte ang bagong rekord na 5.02 meters at burahin ang 2000 marka na 4.99 meters ni Angeline Cabreros ng Southern Mindanao Regional Athletic Association (SMRAA).
Bukod sa archery at arnis na lalaruin lamang sa high school class, ang iba pang sports na nakahanay sa elementary at secondary levels ay ang athletics, badminton, baseball, basketball, boxing, chess, football, gymnastics (artistic at rhythmic), sepak takraw, softball, swimming, table tennis, taekwondo, tennis at volleyball.