MANILA, Philippines - Nakuntento lamang ang PLDT-RP boxing team sa tatlong bronze medals sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa mahigpit na China Open sa Guiyang, China.
Abot kamay na sana nina lightflyweight Gerson Nietes, bantamweight Francis Aston Palicte at welterweight Wilfredo Lopez ang panalo patungo sa finals hanggang sa yumuko sila sa kani-kanilang mga kalaban sa semifinals nitong Biyernes.
Lumasap si Nietes ng 6-1 ka-biguan sa mga kamay ni Idyaz Sulay-Minov ng Kazakhstan, nayanig si Palicte sa isa pang Kazakhs si Mirzhan Rakhimzhanov sa iskor na 14-2 at sumuko si Lopez sa tikas ni Arisnoidy’s Despaigne ng Cuba, 9-1.
Pitong boxers ang ipinadala ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP), governing body ng bansa sa amateur boxing sa nasabing AIBA-ranking event.
“I feel we could have done better but we’re in the initial stage of our 2010 program and its good that we saw what adjustments need to be done this early. Three bronzes in this tournament level is nothing to sneeze at,” wika ni ABAP Executive Director Ed Picson.
Si Picson rin ang siyang mangangasiwa sa mga miyembro ng national training pool sa lalaki at babae gayundin sa coaching staff na sasailalim sa malalim na training sa susunod na linggo sa Beijing, China.