MANILA, Philippines - Si four-time PBA Most Valuable Player Alvin Patrimonio ang magiging special guest sa opening ceremony ng 3rd FREEGO Filipino-Chinese Basketball League (FCBL) basketball tournament ngayon sa Phil. Buddhacare Gym sa Quezon City.
Ibabahagi ni Patrimonio, ang kasalukuyang team manager ng Derby Ace Llamados sa PBA, ang kanyang mensahe sa mga high school players na kalahok sa nasabing annual cagefest na itinataguyod ng Freego Jeans.
Ang many-time national team member na naglaro para sa Mapua Cardinals sa NCAA ang siyang maghahagis ng ceremonial ball sa opening game ng naturang 12-team league na suportado ng Smart Communications bilang minor sponsor.
Sasagupain ng 2009 runner-up Ateneo Blue Eaglets ang La Salle Greenhills sa unang laro ngayong ala-1 ng hapon kasunod ang laban ng Jose Rizal University Light Bomber Adamson Baby Falcons sa alas-2:30.
Magkikita naman ang Mapua at Chiang Kai Shek College sa ganap na alas-4 para sa huling laro.