MANILA, Philippines - Mula sa kanyang tinumbok na dalawang sunod na panalo, umabante sa Last Eight si Jeffrey de Luna sa WPA World 8-Ball Pool Championship sa Fujairah Tennis Club sa UAE
Matapos talunin si Indonesian bet Ricky Yang, 10-8, sa Last 32, iginupo naman ni De Luna ang kababayang si Lee Van Corteza upang pumasok sa Last 8 ng nasabing week-long event na may basbas ng World Pool Billiard Association (WPA).
Tumuntong rin sa Last 8 sina Venancio Tanio at snooker specialist Joven Alba kasama sina Ruslan Chinakhov ng Russia, Niels Feijen ng the Netherlands, Andreas Roshkowski ng Germany, Karl Boyes at Darren Appleton ng Great Britain, ang 2008 WPA World Ten-Ball champion.
Tinalo ni Tanio si Jalal Al Saresi ng UAE, 10-6, kasunod si 2007 WPA World 8-ball titlist Ronnie Alcano, 10-4, habang sinibak naman ni Alba si Oliver Medanilla, 10-3, at ang kababayang si Antonio Gabica, 10-8.
Binigo naman ni Chinakhov ang kasalukuyang WPA World Ten-Ball champion na si Mika Immonen ng Finland, 10-5, at si Yukio Akakariyama ng Japan, 10-7.
Pinatalsik ni Feijen sina Basher Hussain ng UAE, 10-5, at 2009 WPA World 8-Ball champion Ralf Souquet ng Germany, 10-9, samantalang ginitla ni Boyes si Masaki Tanaka ng Japan, 10-3, at si Stephan Cohen ng France, 10-6, at pinahiya ni Appleton sina John Morra ng Canada, 10-4, at Pin Yi Ko ng Chinese-Taipei, 10-4.