MANILA, Philippines - Umabante sa semifinal round si welterweight Wilfredo Lopez sa AIBA-ranking tournament China Open sa Guiyang, Guizhou Province, China.
Ito ay makaraang pigilin ni Lopez si Mutaz Don Duk ng Jordan sa 1:24 sa second round para sa kanyang 5-0 abante.
Nakatiyak na ng bronze medal, susubukan naman ni Lopez na makapasok sa gold medal round.
Makakasagupa ni Lopez sa semis si Arisnoidys Despaigne ng Cuba.
Hangad rin nina bantamweight Aston Francis Palicte at light flyweight Gerson Nietes, nakakuha ng bye, na makapasok sa semis.
Nagmula si Palicte sa isang third-round stoppage kay Hong Kong bet Cho Cheng Yu sa quarterfinals upang makatagpo si Mirzhan Rakhimzhanov ng Kazakhstan.
Makakabangga naman ni Nietes ang isa pang Kazakh na si Idyaz Sulay-Minov.
Katulad ni Lopez, sigurado na ring mag-uuwi ng bronze medal sina Palicte at Nietes dahil sa paglagpas sa quarterfinals.
Natalo naman sina featherweight Charly Suarez at flyweight Rey Saludar kina Dmitry Polyansky ng Russia, 2-5, at 2008 Olympic gold medalist Zou Shimming, 0-10, ayon sa pagkakasunod.