MANILA, Philippines - Kung depensa ang naghatid sa kanila sa kampeonato sa nakaraang PBA Philippine Cup, ito rin ang kanilang sasandalan sa PBA Fiesta Conference.
Hangad ang kanilang ikalawang sunod na panalo, sasagupain ng B-Meg Derby Ace, dating Purefoods, ang Air21 ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang sultada sa pagitan ng nagdedepensang San Miguel at Barako Coffee sa alas-5 ng hapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Binuksan ng Llamados ang kanilang kampanya mula sa 86-79 panalo sa Sta. Lucia Realtors noong Miyerkules.
May 1-0 rekord ang B-Meg Derby Ace sa ilalim ng Coca-Cola (3-1), San Miguel (2-1), Rain or Shine (2-1), Barangay Ginebra (2-1), Talk ‘N Text (2-2), Sta. Lucia (1-2), Air21 (1-2) at Barako Coffee (1-3) kasunod ang Alaska (0-1).
Nanggaling ang Llamados sa 4-0 pagwalis sa Aces sa best-of-seven championship series ng nakaraang PBA Philippine Cup.
“The defense that brought us tremendous success last conference was the same choking, aggressive and no let-up that we played,” sabi ni coach Ryan Gregorio sa B-Meg Derby Ace.
Sa kanyang debut game, tumipa si import Lorenzo Wade ng 20 puntos at 10 rebounds, habang nag-ambag ng tig-18 marka sina James Yap, ang Philippine Cup Best Player of the Conference (BPC) at Finals Most Valuable Player (MVP), at Nino Canaleta.
Nanggaling naman ang Express ni Yeng Guiao sa isang 96-100 pagyukod sa Tigers noong Marso 31.
“Air21’s offensive artillery is much more potent. They will push the ball and score on fastbreaks,” ani Gregorio sa tropa ni Guiao. “We have to limit their opportunity.”
Muling ipaparada ng Express si import Keena Young, tumipa ng 14 marka sa likod ng kanyang 7-of-15 shooting laban sa Coke.
Samantala, dadaluhan naman ni dating Senador Nikki Coseteng, anak ni PBA founding president Emerson Coseteng at ang kauna-unahang babaeng team manager sa PBA, ang double header ngayon.
Si Coseteng ay inimbitahan bilang espesyal na guest of honor sa founding celebration ng pro league, nasa pang 35th taon nito.
Gagawin ni Coseteng ang ceremonial toss bago ang laro ng Derby Ace at Air21.
Magiging bisita rin ang mga dating manlalaro ng Mariwasa-Noritake at Concepion Carrier.
Ang Mariwasa-Noritake at Concepcion Carrier ang siyang nagpasinaya sa pagbubukas ng liga noong Abril 9, 1975 sa harap ng 18,000 fans sa Araneta Coliseum, sa nasabing dalawang laro sa Pasay City venue.
Ang Mariwasa-Noritake ay muling kakatawanin nina Jimmy Mariano, Luc Dacula, Mark Arriola at Ulysses Rodriguez.
Iipaparada naman ng Concepion sina Jimmy `Ironman’ Noblezada, Boy Mora, Edmundo Tierra at Boysie Henares.