MANILA, Philippines - Isang Fil-American lady fighter ang nakasama sa undercard ng “The Legend Returns” na magtatampok kina Evander Holyfield at South African Francois Botha.
Makakasagupa ni Crystal Holy si American Jennifer Han sa isang four--round bout sa Linggo sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
Tangan ni Holy ang 3-1-2 win-loss-draw ring record kasama ang dalawang knockouts.
Natalo si Holy kay Monica Lovato ng US via unanimous decision sa New Mexico noong 2008 sa iskor na 74-76, 74-76 at 74-75.
Dala naman ni Han ang 0-1-1 slate.
Pangarap ng 29-anyos na si Holy na makabilang sa undercard ni Filipino world seven-division champion Manny Pacquiao.
Hahamunin naman ng four-time heavyweight champion na si Holyfield si Botha para sa hawak nitong World Boxing Foundation (WBF) heavyweight crown.
Dala ni Holyfied ang 42-10-2 (27 KOs) laban kay Botha (47-4-3, 27 KOs).