Alcano, Corteza pasok sa Round of 32 sa Fujairah
MANILA, Philippines - Umabante sina Ronnie “Volcano” Alcano at Lee Van “The Slayer” Corteza sa Round of 32 ng Etisalat WPA World 8-Ball Pool Championship 2010 sa Fujairah, United Arab Emirates.
Ito ay matapos igupo ni Alcano si Mohammed Hosani ng UAE, 8-6, sa Group 1, habang tinalo naman ni Corteza ang kababayang si Dennis “Robocop” Orcollo, 8-5, sa Fujairah Tennis Club.
Bumangon si Alcano mula sa 1-5 agwat upang talunin si Hosani.
Noong Lunes, iginupo ni Alcano si Polish Radoslaw Babica, 8-1, samantalang ginitla ni Corteza si Majid Sultan ng UAE, 8-5.
Ang iba pang Filipino cue artists na umabante sa Round of 32 sina Raymund Faraon, Joven Alba at Antonio Gabica.
Sinibak ni Faraon si French Vincent Facquet, 8-3, sa Group 1 habang pinatalsik ni Alba si Briton Scott Higgins, 8-3, sa Group 3.
Iniligpit naman ni Gabica si Dutch Huidje See ng the Netherlands, 8-5, sa Group 8.
Nasa Round of 32 rin sina foreign bets Yukio Akakariyama ng Japan, Ruslan Chinakhov ng Russia, Darren Appleton ng Britain, Jalal Al Sarisi ng UAE, Karl Boyes ng Britain, Ricky Yang ng Indonesia, Stephan Cohen ng France, Shane Van Boening ng United States, Andreas Roschkowsky ng Poland at Niels Feijen ng the Netherlands.
- Latest
- Trending