MANILA, Philippines - Hindi lamang ang mga local volleyball players ang mag-aagawan para sa karangalan ng kani-kanilang mga paaralan kundi maging ang mga Thai imports.
Pangungunahan ng nagbabalik na si Jaroensri Bualee, muling kakatawan sa San Sebastian College-Recoletos, ang tatlo pang Thai reinforcements para sa darating na Shakey’s V-League.
“This is another opportunity for me to help my team and showcase my talent,” ani Bualee sa pamamagitan ni Charo Soriano ng Ateneo De Manila University na nagsilbing interpreter sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila.
Nakatakdang humataw ang torneo sa Abril 11 sa The Arena.
Maliban kay Bualee, ang iba pang Thai imports ay sina Piyatada Lasungnern, Sontaya Keawbundit at Porntip Santrong.
Nakasama ng mga Thai players sa naturang programa na itinataguyod ng Outlast Battery, Pagcor, Shakey’s at Accel sina Moying Martelino, chairman ng nag-oorganisang Sports Vision, operations director Ricky Palou, commissioner Tony Liao, Metrosports president Freddie Infante at marketing manager Barbie Ocampo.
Ang iba pang koponan ay ang Adamson, St. Benilde, FEU, UST, Lyceum at mga Visayan teams na University of St. La Salle, SWU at University of San Jose-Recoletos. (RC)