Malamang na sa susunod na season ng Philippine Basketball Association ay masasaksihan natin ang pagbabalik ni Renato Agustin, ang manlalarong tinaguriang the “Atom Bomb.”
Ito’y hindi bilang player dahil sa matagal na rin namang retirado si Ato bagamat naglalaro pa rin naman siya kapag naimbitahan sa iba’t ibang key cities ng bansa kasama ang ilang mga legends ng PBA. Magbabalik si Agustin bilang bahagi ng coaching staff ng isa sa sampung koponang kalahok sa PBA.
Kasi nga’y ang tindi kaagad ng accomplishment ni Agustin bilang coach!
Kamakailan lang ay naihatid ni Agustin ang baguhang Excelroof 25ers sa kampeonato ng Philippine Basketball League (PBL) PG Flex Placenta Cup sa pamamagitan ng 2-0 sweep kontra Pharex B Complex.
Hindi basta-basta ang tagumpay na ito kung isasaalang-alang ang pangyayaring kinailangan ng Excelroof na manalo ng dalawang beses kontra Cobra Energy Drink sa semifinals para makaharap ang Pharex.
At muntik pa nga silang maunahan ng Pharex na nagposte ng 17 puntos na abante sa Game One. Pero nagawa ng 25ers na magwagi pa sa overtime! Matapos iyon ay hindi na nito pinaporma ang Pharex sa Game Two.
Kung tutuusin nga’y mas beterano pa ang coach ng Pharex na si Aboy Castro na long-time assistant coach ni Vincent “Chot” Reyes sa PBA at maging sa national team.
Ang PBL championship ay ikatlong titulong napanalunan ni Agustin buhat nang pumalaot siya sa coaching. Naihatid niya ang San Sebastian Stags sa kampeonato ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) kung saan tinalo nila ang powerhouse San Beda Red Lions na naghahangad sana ng ikaapat na sunod na titulo. Matapos iyon ay nagkampeon din ang Stags sa CHED Games.
Kaya nga sinasabing hindi malayong masundan ni Agustin ang yapak ni Alfredo Jarencio.
Kasi nga, nakakumpleto din ng isang Cinderella finish si Jarencio nang igiya niya ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa kampeonato ng University Athletic Assocation of the Philippines (UAAP) tatlong taon na ang nakalilipas. Katunayan, pagkatapos na pagkatapos na mapagkampeon ni Jarencio ang Growling Tigers ay kinuha siya kaagad bilang assistant coach sa San Miguel Beer sa PBA.
Dapat nga siguro’y ganoon din ang nangyari kay Agustin matapos na magkampeon ang Stags sa NCAA. Pero sumapaw kasi ang NCAA basketball tournament sa 35th season ng PBA.
Isa pa’y baka hindi rin naman kursunada ni Agustin na umakyat kaagad sa PBA dahil sa marami pa muna siyang aasikasuhin. Alam naman ng lahat na election year ngayon at si Agustin ay isang konsehal sa Pampanga, Tiyak na hihirit siya ng re-election. Hindi ko nga lang alam kung mas mataas na pusisyon ang kanyang tatargetin. Pero anu’t anuman, malamang na manalo siya dahil sa tinitingala siya ngayon bilang “Pride of Pampanga.”
So, malamang na pagkatapos ng eleksyon ay pagtutuunan niya ng pansin ang anumang offer na dumating sa kanya buhat sa mga PBA ballclubs.
Ngayon pa lang, marami na tayong naririnig na kumukursunadang kunin ang serbisyo ni Agustin.
Iba na siyempre ‘yung magaling na’y sinusuwerte pa.
Baka swertehin din ang team na kukuha sa kanya!