Tune-up fight ikinasa ni Arum kay Donaire sa Mayo
MANILA, Philippines - Hindi na dapat pang mainip si Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. para sa kanyang susunod na laban.
Sa panayam ng Philboxing.com kahapon, sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na sasabak si Donaire sa isang tune-up fight sa Mayo bago ang kanilang rematch ni world super flyweight champion Vic “The Raging Bull” Darchinyan sa Agosto 7 sa Home Depot sa California.
Si Donaire ang kasalukuyang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight titlist.
“I think so. I think so. Carl Moretti is handling it for us. It’s just about done,” wika ni Arum sa inaabangang rematch ni Donaire sa 34-anyos na si Darchinyan.
Ibinabandera ni Donaire ang 23-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs, samantalang dinadala ni Darchinyan ang 34-2-1 (27 KOs) slate.
“I want to fight at bantamweight when I fight the next time around,” plano ni Donaire. “I’ll move up in weight because it makes me feel better, I feel stronger and I am following the footsteps that I want to follow.”
Matatandaang tinalo ni Donaire si Darchinyan via fifht-round TKO noong Hulyo ng 2007 para agawin sa Armenian warrior ang dating suot nitong International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles.
Matapos ito, umakyat si Darchinyan sa super flyweight division kung saan hawak niya ngayon ang World Boxing Council (WBC) at WBA Super World titles.
- Latest
- Trending