Pagkakaayos sa liderato sa EAP lalong lumabo, MRTC iniutos ang eleksyon
MANILA, Philippines - Ang inaasahang maayos na pagtatapos sa problema sa liderato sa equestrian ay lumabo na matapos ang paghihimasok ng korte sa nasabing usapin.
Ipinag-utos ni Judge Joselito Villarosa ng Makati Regional Trial Court Branch 66 ang pagsasagawa ng eleksyon sa Equestrian Association of the Philippines (EAP) kahapon na nagresulta sa pagkakaluklok ni Partylist Congresswoman Carissa Coscolluela.
Naiupo rin sina Juan Ramon Lanza bilang vice president, Jose Ma. Montilla bilang corporate secretary at treasurer, Milagros Belofsky bilang sec-gen, Michael Gonzales, Toti de Leon at Marie Antoinette Leviste bilang board members.
Si Coscolluela ay nakikipagtagisan sa liderato ng EAP laban kay Jose Cojuangco Jr. na siya ring pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC).
Noong nakaraang taon pa nagsimula ang problema at nanghimasok na rin ang international federation na FEI nang ipadala ang kanilang vice president na si Christopher Hodson noong Nobyembre.
Hindi naman nakapanghimasok ang FEI dahil problemang internal ang usapin pero hiniling sa magkabilang grupo na umupo at mag-usap upang maisaayos ang problema.
Si Cojuangco ay dumalo rin sa pagpupulong na ito sa Makati RTC at tinangka na pigilan ang halalan pero nagmatigas ang mga miyembro upang maidaos ang eleksyon.
Nananalig si Coscolluela na kakatigan na ng FEI ang desisyong ito dahil ang batas ng bansa ang sinusunod lamang ng korte sa kanilang pagpapalabas ng desisyon. (ATAN))
- Latest
- Trending