MANILA, Philippines - Isinabit na ni Harry Tanamor ang kanyang boxing gloves upang harapin ang bagong yugto ng kanyang buhay.
Si Tanamor ay nagretiro na mula sa pagiging Pambansang atleta matapos ang pagbaba na ng kanyang antas ng paglalaro sa huling mga nilahukang torneo sa labas ng bansa.
“Yes, nagretiro na siya,” wika ni Ed Picson, ang executive director ng Amateur Boxing Association of the Philippines sa 32-anyos na tubong Zamboanga City at kumampanya sa lightweight division.
Isa sa tiningala sa larangan ng amateur boxing sa bansa, si Tanamor ay nabigong maghatid ng ginto sa idinaos na Laos Southeast Asian Games nang matalo sa mas bata at mas mabilis na si Kaew Pongprayoon ng Thailand.
Nabigyan pa ng pagkakataon si Tanamor na patunayan ang sarili nang maimbitahan sa Champions of Champions na ginanap sa Beijing, China nitong Enero pero napatalsik agad ito sa kanyang unang laban kontra sa Chinese Olympian na si Zou Shiming.
Si Shiming din ang siyang boksingerong tumalo kay Tanamor sa finals bout sa 48-kilogram division sa 2007 AIBA World Amateur Boxing Championships sa Chicago, USA.
“Nagkausap kami para mapag-usapan ang kanyang performance sa mga huling laban at pareho kaming nagkasundo na napapanahon na para magretiro na siya sa paglalaro. Ginawa ngayon ng ABAP na matulungan siya na maging coach at may isang club sa Mandaluyong City ang aming kinakausap sa ngayon para kunin siya,” paliwanag pa ni Picson.
Hindi man naging maganda ang resulta ng mga huling laban ni Tanamor ay masasabing selyado na niya ang pagiging isa sa mahusay na boksingero ng bansa sa amateur.
Nakapaghatid pa ng dalawang bronze medals si Tanamor sa naunang dalawang World Championships noong 2001 sa Belfast at 2003 sa Bangkok Thailand.
Nagkampeon din siya sa President’s Cup sa Chinese Taipei at sa World Cup sa Moscow Russia, noong 2008.
Isa pang beteranong boksingero na si Joan Tipon ay wala na rin sa Pambansang koponan dala ng injury sa kaliwang balikat.
Pero di tulad ni Tanamor, si Tipon ay maaaring makabalik pa kung maghihilom ang kanyang injury.
Dala ng injury na ito, si Tipon, na umani ng ginto sa 2006 Doha Asian Games, ay napatalsik agad sa first round sa bantamweight division sa Laos SEAG.
Bunga ng pangyayari, sa mga bago at batang mukha aasa ang ABAP sa mga darating pang kompetisyong internasyonal na kanilang lalahukan.