MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ni Francis Casey Alcantara na maidepensa pa ang titulo sa boys doubles nang mangibabaw sila ni Fil-Am Raymond Sarmiento laban kina Sam Barry ng Ireland at Ben McLachlan ng New Zealand sa pagtatapos kahapon ng 21st Mitsubishi Lancer International Tennis Championships doubles competition sa Rizal Memorial Tennis Center.
Tumagal lamang sa isang oras at 12 minuto ang sagupaan at nakapagdomina sina Alcantara at Sarmiento sa iskor na 6-4, 6-3.
Pambawi ito nina Alcantara at Sarmiento sa maagang pagkakasibak sa boys singles ng parehong yumukod sa third round ng kompetisyon.
Unang panalo ito ng dalawa sa unang pagtatambal pero para kay Alcantara, napagtagumpayan din niya na maidepensa ang titulong pinanalunan noong nakaraang taon katulong si Daniel Berta ng Sweden.
“Masayang-masaya dahil napanatili ko ang doubles title para makabawi rin sa singles na talaga namang nakakapanghinayang,” wika ni Alcantara.
Narating ng second seeds ang finals nang talunin sina Robin Olin ng Sweden at Matthias Wunner ng Germany, 7-5, 6-3, na ginanap nitong Sabado ng gabi.
Sa kabilang banda, nalusutan nina Barry at McLachlan ang hamon nina fourth seeds Barrett Franks at Adam Lee ng New Zealand sa semis sa pamamagitan ng 6-4, 6-4, panalo.
Ngunit laban kina Alcantara at Sarmiento, hindi nakaporma ang mas malalaking sina Barry at McLachlan nang gamitan sila ng bilis sa paglalaro.
“Galaw kami ng galaw sa court kaya hindi nila mahuli ang laro namin. Kahit sa serve ay may formation kami para hindi nila rin makita ang bolang dumarating,” paliwanag ni Alcantara.
Kasabay ng magandang serve ay ang pagkulapso sa serve ni Barry na tatlong beses, dalawa sa first set at isa sa second set, na na-break para makatulong sa pagkabigo ng kanilang tambalan.
“We have good communication on the court and I think it was a factor. I hope to play with him again in other tournaments, hopefully in the French Open Juniors,” wika naman ni Sarmiento, na ang ama ay tubong Bohol at ina ay tubong Quezon City.
Si Sarmiento ay babalik ng California sa Biyernes upang kumampanya doon habang si Alcantara ay mapapasama sa ITF team na lalaro naman sa Europe. (Angeline Tan)