Tigers lider na
MANILA, Philippines - Ang pagkawala ni Best Import Gabe Freeman sa final canto bunga ng cramps ang siyang sinamantala ng mga Tigers para sagpangin ang liderato.
Tinalo ng Coca-Cola ang nagdedepensang San Miguel, 108-98, sa 2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Arturo S. Lugod Gym sa Gingoog, Misamis Oriental.
Ikinasa ng Coke ang kanilang 2-0 baraha kasunod ang San Miguel (1-1), Ginebra (1-1), Talk ‘N Text (1-1), Barako Coffee (1-1), Sta. Lucia (1-1), Derby Ace (0-0), Alaska (0-0) at Rain or Shine (0-1).
Sinandalan ng Tigers ang 29-8 atake nina Chico Lanete at import James Penny sa sa loob ng walong minuto para iwanan ang Beermen sa 101-88.
Ito ay nanggaling sa 83-72 abante ng Coke sa San Miguel.
Samantala, nakita na ni coach Boyet Fernandez ang dating porma ng mga Realtors.
Matapos magitla ng Barako Coffee, 97-93, sa kanilang unang laro noong nakaraang Linggo, tinalo naman ng Sta. Lucia ang Barangay Ginebra, 86-72, noong Biyernes.
“I’m happy the boys started strong and finished even stronger. Magandang character ang ipinakita nila,” wika ni Fernandez.
Puntirya ang kanilang pangalawang sunod na panalo, sasagupain ng Realtors ang Rain or Shine Elasto Painters ngayong alas-6:30 ng gabi sa 2009-2010 PBA Fiesta Conference sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Sa unang laro sa alas-4 ng hapon, magtatagpo naman ang parehong talunang Coffee Masters at Air21 Express.
Sa kanilang tagumpay sa Ginebra, humakot si import Anthony Johnson ng 22 puntos at 13 rebounds, habang kumolekta naman si Kelly Williams ng 13 marka, 6 rebounds at 4 assists.
Muling pangungunahan nina Johnson at Williams ang Realtors katuwang sina Ryan Reyes, Bitoy Omolon, Josh Urbiztondo at Marlou Aquino.
Itatapat naman ng Rain or Shine ni Caloy Garcia sina Jai Lewis, Gabe Norwood, Sol Mercado, Jeff Chan, Mike Hrabak at Ryan Araña.
(Russell Cadayona)
- Latest
- Trending