Alcantara nakatutok sa boys double title

MANILA, Philippines - Nanatiling buhay ang hangarin ni Francis Casey Alcantara na maidepensa pa ang titulo sa boys doubles matapos magbunga uli ang tambalan nila ni Fil-Am Raymond Sarmiento sa quarterfinals ng 21th Mitsubishi Lancer International Tennis Championships ka­hapon sa Rizal Memorial Tennis Center.

Lumabas ang init ng paglalaro nina Alcantara at Sarmiento sa second set upang makabangon ang second seed sa boys dou­bles sa kabiguan sa first set tungo sa 3-6, 6-4, 10-6, panalo laban sa seventh seed na sina Mitchell Krueger ng Ireland at Dane Webb ng USA.

Ang tagumpay ay nagtulak sa magkapareha na umabante sa semifinals at makakalaban nina 8th seed Robin Olin ng Sweden at Matthias Wunner ng Germany para sa puwesto sa finals.

Sina Olin at Wunner ay nangibabaw kina unseeded John Morrissey at Alexander Rumyantsev ng Russia, 6-3, 6-3.

Ang tambalan naman ni Filipino netter Akio Sy at Ben Wagland ng Australia ay hindi pinalad nang lasapin nila ang 6-2, 6-4, kabi­guan sa kamay nina 6th seed Barrett Franks at Adam Lee ng New Zealand.

 Si Alcantara ay nagkampeon sa nagdaang taong boys doubles sa Grade 1 event na ito ng ITF nang makatambal si Daniel Berta ng Sweden. (Angeline Tan)

Show comments