MANILA, Philippines - Natuto na ng kanilang leksyon ang Tropang Texters.
Nang makuha ang 8-point lead sa huling 2:19 ng final canto, hindi na ito binitawan ng Talk ‘N Text patungo sa kanilang 99-96 panalo sa Rain Or Shine sa elimination round ng 2009-2010 PBA Fiesta Conference kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagmula ang Tropang Texters sa isang 90-97 kabiguan sa Ginebra Gin Kings noong Linggo kung saan nila hinawakan ang 79-75 abante sa 5:46 ng fourth quarter.
Inagaw ng Rain or Shine ang 60-51 lamang sa ilalim ng walong minuto sa third period matapos maiwanan sa halftime, 46-49, bago kumayod sina Jimmy Alapag, Ranidel De Ocampo at Jason Castro para sa 73-64 bentahe ng Talk ‘N Text sa huling 1:01 nito.
Sa pamumuno nina Sol Mercado, Ryan Arana at Jay-R Reyes, naitabla ng Elasto Painters ang laro sa 86-86 sa 5:45 ng final canto kasunod ang isang 11-4 atake ng Tropang Texters, pito rito ay mula kay Mac Cardona, para ilista ang 97-89 lamang sa huling 2:19.
Huling nakadikit ang Rain Or Shine sa 96-98 agwat mula sa isang three-point shot ni Gabe Norwood sa natitirang 6.8 segundo bago ang split ni Castro mula sa foul ni Reyes sa nalalabing 6.2 tikada.
Iminintis ni Norwood ang isang tres sa final buzzer para sa huling posesyon ng Elasto Painters.
“This is a very disappointing win because we cannot close the deal,” inis na wika ni coach Chot Reyes sa kanyang Tropang Texters.
Samantala, puntirya naman ng San Miguel ang kanilang pangalawang sunod na panalo sa pakikipagharap sa Coca-Cola ngayong alas-5 ng hapon sa Arturo Lugod gym sa Gingoog City sa Misamis Oriental.
Nagmula ang Beermen sa isang 92-87 panalo sa Air21 Express noong Miyerkules, habang iginupo naman ng Tigers ang Barako Coffee, 97-74.
Muling ibabandera ng Beermen sina Best Import Gabe Freeman, Dondon Hontiveros, Jay Washington, Arwind Santos at Mick Pennisi para sa kanilang panalo. (RCadayona)