Pinoy ubos na sa Mitsubishi netfest
MANILA, Philippines - Natapos ang kampanya ng Pilipinas sa 21st Mitsubishi Lancer International Tennis Championships nang matalo sina Francis Casey Alcantara at Marian Jade Capadocia sa mga matitikas na katunggali sa singles kahapon na ginawa sa Rizal Memorial Tennis Center.
Hindi nakuha ni Alcantara ang tamang porma upang mawakasan ang kampanya ni Wang Chuhan ng China nang maitakas ng 13th seed ang 4-6, 7-5, 6-1, panalo laban sa fourth seed at pambato ng bansa sa boys division.
Tinakasan ng lakas si Alcantara nang makahulagpos ang panalo sa second set matapos hindi makuha ang mahalagang match-points matapos lumayo sa 5-2 iskor na nagpataas pa sa kumpiyansa ng kalaban.
Naapektuhan na ng pressure, inatake na rin ng pulikat si Alcantara sa third set na nagbigay ng karagdagang bentahe kay Chuhan para makumpleto ang ginawang pagbangon sa kabiguan sa first set.
Sa pangyayaring ito, nabigo si Alcantara sa mithiing mapantayan o higitan pa ang semifinals showing na kanyang naitala sa unang paglalaro sa torneong idineklara na Grade I event ng ITF, noong 2008.
Naubos naman ang suwerte ng 14-anyos na si Capadocia nang maisuko ang mahigpitang 6-1, 5-7, 6-0, pagkatalo laban kay Lusika Kumkhum ng Thailand sa girl’s division.
Nasilat din ang top seed sa boys na si Mate Zsiga ng Hungary nang ang no. 8 ranked sa mundo ay yumukod sa straight sets, 6-4, 6-1, laban sa 14th seed na si Dane Webb ng US. (Angeline Tan)
- Latest
- Trending