Dominasyon sa Shakey's V-League itutuloy ng UST belles
MANILA, Philippines - Namumuro ang UAAP champion UST sa hangaring makapagdomina pa rin sa Shakey’s V-League na magsisimula na ang aksyon sa susunod na buwan sa The Arena sa San Juan.
Ang Lady Tigresses ay siya ring kampeon ng nagdaang V-League conference at pinanatili nila ang mga core players na naghatid sa koponan sa titulo.
Sina Aiza Maiza, Rhea Dimaculangan, Angelique Tabaquero, Maru Banaticla at Maika Ortiz na tumayong bida sa nagdaang conference ay magbabalik upang makasama uli si Mary Jean Balse.
Si Balse ang dating MVP ng liga nang ihatid nito ang UST sa naunang tatlong titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s Pizza.
“The team is doing okey although we couldn’t train with a complete line-up because most are busy with their final exams this week,” wika ni UST coach Shaq delos Santos.
Pero hindi ito sagabal sa mithiing pagdodomina pa rin ng Lady Tigresses lalo nga’t pare-parehong uhaw pa rin sa kampeonato ang mga manlalaro nito.
Ang ibang koponan ay tiyak na magnanais na pigilan ang UST sa kanilang misyon at mangunguna nga sa mahigpit na karibal ng koponan ay ang Adamson at San Sebastian.
Ang Lady Falcons nga ay ibabandera ng dating MVP Nerissa Bautista at Cha-cha Moralde habang ang Lady Stags ay kinuha uli ang serbisyo ni Thai import Jeng Bualee at Suzanne Roces para mapalakas ang koponan.
“Mahirap sabihin kung sino ang mga malalakas na teams dahil lahat ay naghahanda para rito. Ang dapat lamang naming gawin ay magpursigi sa bawat laban,” dagdag pa ni delos Santos na binitiwan naman sina Michelle Del Rosario, Jen Fortuno at Roxanne Pimentel.
Ang torneo ay patuloy naman na sinusuportahan ng Mikasa at Accel.
- Latest
- Trending