MANILA, Philippines - Kung may pangunahin mang iniisip ngayon si Ana “The Hurricane” Julaton, ito ay ang talunin si Canadian Lisa Brown sa Marso 28 sa Casino Rama sa Ontario, Canada.
Ito ang sinabi kahapon ng 29-anyos na si Julaton sa panayam ng PhilBoxing.com sa kanilang training camp ni Filipino trainer Nonito “Mang Dodong” Donaire, Sr. sa Toronto, Canada.
“I am totally focused on this fight right now and that is my primary goal. I’ll think about my next objectives after this fight,” ani Julaton, ang ninuno ay tubong Pozzurubio, Pampanga.
Nakatakdang pag-agawan nina Julaton, ang kasalukuyang International Boxing Association (IBA) at World Boxing Organization (WBO) super bantamweight champion, at Brown ang bakanteng World Boxing Association (WBA) super bantamweight title.
Hangad ni Julaton, nakabase sa Daly City, USA, ang 6-1-1 win-loss-draw ring record kumpara sa 16-4-3 slate ni Brown, ang kanyang pangatlong world title.
“Lisa Brown trains hard, she’s tough and brings so much experience to the ring,” sabi ni Julaton sa 39-anyos na si Brown. “I respect her and she is a very nice person.”
Binigo ni Julaton si Kelsey Jeffries (41-10-1) via majority decision para sa bakanteng IBA crown noong Setyembre ng 2009 kasunod ang isang 10-round unanimous decision win kay Donna “Nature Girl” Biggers (19-9-1, 16 KOs) para sa WBO belt noong Disyembre.
Nagmula naman si Brown sa isang kabiguan kay South Korean Hyo Min Kim via unanimous decision noong Oktubre 15, 2009.
Ilang beses na ring nakasabay ni Julaton sa ensayo si Filipino world seven-division champion Manny Pacquiao sa Wild Card Boxing Gym ni Freddie Roach sa Hollywood, California.
“I have trained with several coaches including Freddie Roach, Nonito Donaire Sr., Rick Noble and Lauro Dorolia,” ani Julaton. “I have taken best methods and teachings from each one of them and incorporate it with my style of boxing today. I have been both blessed and honored that I have been coached by all of them.” (Russell Cadayona)