Pharex, Excelroof mag-uunahan sa Game 1
MANILA, Philippines - Magkaibang landas ang dinaanan ng mga baguhang Fighting Maroons at 25ers upang makapasok sa championship series.
Pinayukod ng No. 1 Pharex B Complex ang No. 4 Cossack Blue, 96-83, habang dalawang ulit namang iginupo ng No. 3 Excelroof ang No. 2 Cobra Energy Drink, 89-81, at 87-83, sa Final Four.
Parehong nagdala ng ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four ang Fighting Maroons at ang Ironmen laban sa Spirits at 25ers, ayon sa pagkakasunod.
Matapos ang mga ito, magtatagpo naman ang Pharex at Excelroof ngayong alas-3 sa Game One ng kanilang best-of-three titular showdown para sa 2010 PBL PG Flex Placenta Cup sa The Arena sa San Juan.
Nasa isang six-game winning streak ngayon ang Pharex ni Aboy Castro, kasama rito ang 74-68 panalo sa Excelroof ni Ato Agustin sa elimination round.
“If we can sustain our intensity and play with passion and heart then we have a good chance of celebrating next week,” ani Castro makaraan ang paggiba ng Fighting Maroons sa Spirits sa Final Four noong nakaraang Sabado.
Muling ibabandera ng Pharex sina 6’4 forward Vic Manuel, Woody Co, Mark Lopez, Marlon Adolfo, Arvie Braganza, Ford Arao at Martin Reyes.
Si Manuel, produkto ng Phil. School of Business Administration, ang top scorer ng Fighting Maroons mula sa kanyang average na 20.0 puntos kada laro, tampok rito ang kanyang career-tying 27 marka sa kanilang panalo sa Cossack Blue.
Inaasahan naman ni Agustin na mauuwi sa Game Three ang kanilang title series ng Pharex.
“It’s going to be a tight and thrilling contest,” ani Agustin.
Iginupo ng San Sebastian Stags ni Agustin ang three-peat champions San Beda Red Lions ni Frankie Lim sa kanilang championship wars sa NCAA. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending