MANILA, Philippines - Nagpasiklab agad si Francis Casey Alcantara habang nagpatuloy ang kinang ng paglalaro ni Marian Jade Capadocia sa 21st Mitsubishi Lancer International Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Si Alcantara ay sinibak si Barrett Franks ng New Zealand, 6-4, 6-0, upang mabigyan ng magandang simula ang kanyang hangarin na makuha ang kampeonato sa Grade I tournament sa ikatlong pagsali.
Sunod na katapat ni Alcantara, ang fourth seed sa kanyang 38th ranking sa mundo, ay si Ariez Elyaas Deen Heshaam ng Malaysia na sinibak si Johnson Campbell ng US, 6-3, 6-0.
Hindi naman nagpahuli si Capadocia, ang 14-anyos na manlalaro na unang sinorpresa si Manisha Foster ng Great Britain sa first round.
Mas matindi ang nakitang laban kay Capadocia nang kailanganin niyang bumangon buhat sa pagkatalo sa first set tungo sa 3-6, 7-5, 6-2, panalo laban kay 12th seed Ekaterina Nikitina ng Russia.
Dala ng tagumpay ay umabante uli si Capadocia sa third round.
Tanging ang dalawang ito na lamang ang pambato ng bansa matapos mapatalsik na rin si Kim Ivan Sazara na unang hiniya si 117th ranked Nuttanon Kadchapanan, 6-3, 6-3.
Hindi kinaya ni Saraza ang top seed at number 8 sa boys na si Mate Zsiga ng Hungary sa 6-0, 6-1, kabiguan.
Si Jeson Patrombon na nagnanais na makagawa ng magandang laro sa torneong ito para tumibay ang hangaring makasali sa Youth Olympic Games sa Singapore sa Hulyo ay nasibak sa first round kontra kay James Duckworth, 6-1, 6-0. (Angeline Tan)