Pinas binigyan uli ni Lacuna ng gold
MANILA, Philippines - Winakasan ng Team Philippines ang kampanya sa 41st Singapore National Age Group Swimming Championships sa pamamagitan ng isang ginto at bronze medal nitong Linggo sa Singapore School Sports.
Pinagtibay ni Jessie King Lacuna ang pagiging pinakamahusay na manlalangoy sa juniors nang kunin ang ikatlong ginto sa isang linggong torneo sa larangan ng 200m butterfly.
May nangungunang 2:03:01 tiyempo si Lacuna upang makuha ang ikatlong ginto matapos ang pagdodomina sa 200m at 100m free style events.
Isama pa ang pilak sa 400m free, si Lacuna ang nagtrangko sa kampanya ng bansa sa kompetisyong itinalaga rin bilang Youth Olympic Games qualifying event.
Si Jasmine Alkhaldi ang nag-uwi ng bronze medal 50m free style sa bilis na 26.56 segundo.
Sa kabuuan, ang Pilipinas ay tumapos taglay ang 3 ginto, 1 pilak at apat na bronze medals.
Ang iba pang bronze medals ay naihatid ni Alkhaldi sa 100m free at si Jose Joaquin Gonzales ay naghatid ng ganitong medalya sa 100m at 200 back stroke.
Sa pangkalahatan ng mga bisitang koponan na lumahok, lumagay sa ikalawang puwesto ang Pilipinas kasunod ng nagkampeon na Japan na mayroong 41 ginto, 30 pilak at 14 bronze medals.
Pumangatlo ang Thailand sa 2-1-0 habang ang Kazakhstan ang kumuha ng pang-apat na puwesto sa 1-2-0 medal tally.
Si Lacuna ay gumawa ng RP record sa 200m free habang si Alkhaldi ay bumura ng pambansang marka sa 100m at 50m freestyle events. (ATan)
- Latest
- Trending