MANILA, Philippines - Pagkakataong muling mabigyan ng karangalan ang bansa ang makakatulong kay Ana Julaton upang mapagtagumpayan nito ang matinding hamon na kanyang haharapin sa Sabado (Linggo sa Pilipinas) sa Casino Rama sa Ontario, Canada.
Ang 29-anyos na si Julaton ay magtatangka na bitbitin ang WBA female super bantamweight title na hawak ng mas beteranong si Lisa “Bad News” Brown.
Sa isang phone patch interview na pinangasiwaan ng GMA Network sa kanilang tanggapan kahapon ng umaga, si Julaton ay nagpahayag ng kahandaan na harapin ang sinasabing pinakamatinding hamon sapul ng pumasok sa propesyonal boxing dala ng kanyang masugid na hangaring patuloy na katawanin ang mga Pinay sa mundo.
“Every time I climb the ring, its not just being the best that is my concern but to also give honor and pride and make good representation of Filipina athletes in sports. Its a rare privileged I have and I’m just happy and honored to be here fighting for our country,” wika ni Julaton na nakasama ang trainer na si Nonito Donaire Sr. sa panayam.
Mas beterano si Brown, edad 39, dahil may 23 laban na ito na kinatampukan ng 16 panalo, apat na talo at tatlong tabla. May limang KO rin ang kampeon.
Sa kabilang banda, si Julaton, na ang mga magulang ay tubong Pangasinan at minsan ay ikinonsidera ng Amateur Boxing Association of the Philipines na kunin para katawanin ang bansa sa amateur boxing, ay mayroon lamang walong laban at may anim na panalo at tig-isang talo at tabla.
Kaunti man ang laban ay napatunayan na ni Julaton ang kakayahan nang talunin sina Kelsey Jeffries at Donna Biggers noong nakaraang taon para kunin ang bakanteng IBA at WBO female super bantamweight divisions.
“I’m in good shape and training was good. I’m ready to go. I expect a tough fight but I will go to work as soon as the bell rings. Hopefully, the fight will end early but I’m ready to go for the full 10 rounds,” wika pa ni Julaton.
Bilis, wika naman ni Donaire, ang mabisang sandata ni Julaton sa mas may edad na katunggali.
“Alam kong mananalo si Ana. Walang naging problema sa aming paghahanda at madali siyang turuan. Sa ngayon ang bilis niya ang nakikita kong bentahe niya kay Brown,” wika pa ni Donaire.
Kung manalo, umaasa si Julaton na mas mabibigyan ng rekognisyon ang women’s boxing bukod pa sa pagkakataong ma-imbitahan na mabisita ang Pilipinas na hindi pa niya nakikita. (LC)