3 Pinoy netters dinispatsa agad ng mga dayuhan sa 21st Mitsubishi Lancer netfest
MANILA, Philippines - Nagparamdam agad ang mga dayuhan na nagnanais na makapasok sa main draw ng 21st Mitsubishi International Tennis Championships nang pagpahingahin agad ang tatlong pambato ng bansa sa pagsisimula kahapon ng qualifying round sa Rizal Memorial Tennis Center.
Umukit ng 6-0, 6-0, panalo si Simon Spencer ng USA laban kay Calvin Charles Canlas; si Gabor Csonka ng Hungary ay humirit ng 6-1, 6-1, panalo kay Romain Lepourtre at si Sylvester Alamdar ng US ay may 6-1, 6-1, tagumpay din kontra kay John Mavrick Victoria.
Ang ikaapat at huling laro kahapon ay napanalunan naman ni Mansingh Athare ng India laban kay Daniel Um ng USA.
Magtatapos ang aksyon sa qualifying round ngayon at katatampukan ito ng 10 labanan sa boys at girls division.
Ang main draw ay hahataw na bukas at ang Pilipinas ay mayroon nang 12 manlalaro na kakampanya sa dalawang dibisyon.
Tanging si Francis Casey Alcantara ang diretsong nasa main draw dahil sa kanyang 39th ranking sa mundo habang lima pang kalalakihan at anim na kababaihan ang binigyan ng wild card ng Philippine Tennis Association.
Ang mga makakasama ni Alcantara sa boys singles ay sina Jeson Patrombon, Leander Lazaro, Kim Ivor Sazara, Akio Sy at Jacob Lagman habang sina Anna Clarice Patrimonio, Patricia Joy Orteza, Marian Jade Capadocia, Shannin Mae Olivarez, Marinel Rudas at Tamitha Nguyen ang kasali sa kababaihan.
Ang atensyon ay tiyak na itutuon kay Patrombon na naghahangad na magkaroon ng magandang kampanya para makahabol pa sa 1st Youth Olympic Games sa Singapore sa Agosto.
Ang mangungunang 50 junior netters sa mundo ang siyang imbitado at si Patrombon ay nasa 110th ranking na.
Papasok si Patrombon sa torneo buhat sa magagandang ipinakita sa dalawang ITF tournaments sa Thailand at Malaysia nang makapasok ito sa semifinals. (Angeline Tan)
- Latest
- Trending