MANILA, Philippines - Kinuha ni swimmer Jessie King Lacuna ang kanyang ikalawang gintong medalya habang dalawang bronze medals pa ang iniambag nina Jose Joaquin Gonzales at Jasmine Alkhaldi sa idinadaos na 41st Singapore National Age Group Swimming Championships sa Singapore School Sports.
Ang 16-anyos na si Lacuna, na unang kumuha ng ginto sa 200m free style, ay nangibabaw sa 100m free sa naitalang 52.13 segundong oras sa finals na ginawa nitong Sabado ng gabi.
Ang oras na ito ay mas mabilis sa ginawa niyang marka sa heats na 52.39 at higit din ito sa FINA B qualifying standard para sa 1st Youth Olympic Games na 53.50 segundo.
Pumangalawa ang pambato ng Singapore na si Clement Lim sa 52.17 tiyempo habang si Xin Hui Arren Quek ng China ang pumangatlo sa 52.31 tiyempo.
Ito ang ikatlong medalya rin ng tubong Bulacan na si Lacuna dahil kumabig din siya ng pilak sa 400m free style.
Si Gonzales naman ay nakontento sa ikatlong puwesto sa 200m back stroke sa bilis na 2:08.39 habang ganitong puwesto rin ang naabot ni Alkhaldi sa 100m freestyle sa 57.30 segundo. Unang medalya ito ni Alkhaldi habang pangalawang bronze medal ito ni Gonzales matapos ang isa pang bronze medal sa 100m back stroke.
Sa pangyayari, ang Pilipinas ay mayroon ng dalawang ginto, isang pilak at tatlong bronze medal sa torneong itinalaga rin bilang YOG Qualifying event at nilahukan din ng mga banyagang bansa tulad ng Japan, Thailand, Kazakhstan, Indonesia at Saudi Arabia.
Ang torneo ay nagtapos kahapon at inaasahang may makukuha pang medalya ang Team Philippines. (ATan)