Cuello sasabak sa WBC title eliminator
MANILA, Philippines - Lalapit si Denver Cuello sa hangaring maging world champion sa pagharap nito sa isang WBC minimumweight title eliminator sa Marso 27 sa Mexico.
Ang 23-anyos na boksingero na tubong Binangonan, Rizal ay masusukat laban kay Juan Hernandez sa labang itinakda sa Nuevo Leon, Mexico.
May 19 panalo sa 26 laban kasama ang limang tabla, si Cuello sa kasalukuyan ang number one contender sa WBC minimumweight division habang si Hernandez ay nasa ikalawang puwesto.
Ang mananalo sa laban ito ay siyang makakalaban sa sunod na title defense ng kasalukuyang nakaupo na si Oleydong Sithsanerchai ng Thailand.
Sa minimumweight division (105 lbs) lumalabas na may maraming Filipino boxers na nasa ranking at si Donnie Nietes ay kinikilalang hari ngayon sa World Boxing Organization.
Isa pang tiningala sa dibisyon ng panandalian ay si Florante Condes na kasama ni Cuello sa Aljoe Jaro stable.
Hindi birong kalaban si Hernandez na may suporta rin sa mga manonood na magdaragdag init sa ipakikitang laban nito.
May professional ring record na 16 panalo sa 17 laban at 13 rito ay nakuha sa pamamagitan ng knockout.
Ang huling laban ni Hernandez ay nakuha sa pamamagitan ng KO at ang average round na itinagal ng kalaban ay tatlong rounds lamang upang maipakita na isa itong lehitimong knockout artist.
Ang lahat pa ng mga laban ni Hernandez ay ginawa sa sariling bansa kung kaya’t pinaniniwalaang madedehado ang Filipino pug sa laban.
Ngunit tiwala ang kampo ni Cuello na kakayanin nito ang number two challenger dahil sa masidhing hangarin na mailinya ang sarili sa hanay ng mga world champions ng bansa.
Si Cuello ay ang kinikilala na WBC International minimumweight champion na kanyang kinuha nang talunin si Hiroshi Matsumoto noong Abril 19, 2009 sa Araneta Coliseum at pinatulog ni Cuello ang kalaban sa fourth round. (LC)
- Latest
- Trending