Ironmen pinigil ng 25ers, Itinulak Ang Winner-Take All : Fighting Maroons nakauna
MANILA, Philippines - Sinakyan ang kanilang pang anim na sunod na panalo, tuluyan nang inangkin ng mga Fighting Maroons ang unang finals berth.
Umiskor si Vic Manuel ng 27 puntos, habang may 21 naman si Marlon Adolfo upang tulungan ang Pharex B Complex sa 96-83 paggulpi sa Cossack Blue sa Final Four ng 2010 PBL PG Flex Erase Placenta Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
May tsansa pa ang Fighting Maroons ni coach Aboy Castro na makapagpahinga bunga na rin ng pagtulak ng Excelroof 25ers sa Cobra Ironmen sa isang ‘do-or-die’ nang iposte ang 89-81 tagumpay.
Malalaman ang makakatapat ng Fihting Maroons para sa best-of-three championship series sa Martes kung saan muling magtatagpo ang 25ers at Ironmen.
Pinangunahan nina Manuel at Adolfo ang ratsada ng Fighting Maroons sa third period kung saan sila kumayod ng kabuuang 27 produksyon kumpara sa 15 ng Spirits patungo sa kanilang 65-55 abante.
Isang 9-4 atake naman ang ginawa ng Cossack, nalasap ang kanilang pang apat na sunod na kamalasan matapos magtayo ng 4-0 kartada, sa pagbungad ng fourth quarter mula sa tatlong sunod na three-point shots ni Paul Zamar para sa kanilang 64-69.
Ngunit ito na ang naging huling pagkakataon ng koponan ni Rene Baena.
Isang technical foul ang itinawag kay Baena nang ireklamo ang charging foul kay Spirits’ forward Jay-R Taganas laban kay Fighting Maroons’ forward Nestor David. (RCADAYONA)
- Latest
- Trending