Walang Problema sa Frontline
Kahit paano’y nanghihinayang si San Miguel Beer coach Bethune “Siot” Tanquingcen sa pagkawala ng 6-8 sentrong si Samigue Eman sa kanilang poder.
Kung matatandaan ay inilaglag ng Beermen sa “unrestricted free agent” list si Eman bago nagsimula ang semifinals ng nakaraang KFC PBA Philippine Cup upang bigyang daan ang pagbabalik ng two-time Most Valuable Player na si Danilo Ildefonso sa active duty.
Natural lang kasi na hangarin ng isang coach o ng isang koponan na magamit ang “best possible material” sa semifinals. Isang hakbang na lang kasi iyon papalapit sa championship round. Mas matindi naman si Ildefonso kaysa kay Eman, hindi ba?
Pero mayroon ding nagsasabi na may ibang players naman na puwede sanang ilaglag ang San Miguel Beer bukod kay Eman. Sana daw kahit paano’y napanatili nila sa kanilang bakuran ang isang higanteng tulad niya.
Well, water under the bridge na iyon.
Inilaglag ng Beermen si Eman at sinagpang naman siya kaagad ng Alaska Milk. Kasi nga, sa ilalim ng rules ng liga, ang isang unrestricted free agent ay puwedeng lumipat sa ibang team na kukursunada sa kanyang serbisyo. At kapag kinuha siya ng ibang team, hindi obligado ang kukuha sa kanya na magbigay ng anumang kapalit sa kanyang dating koponan.
At iyon nga ang nangyari.
Nawalan ng player ang San Miguel at walang nakuhang kapalit ang Beermen.
Sayang din. Kahit paano’y magagamit sana si Eman sa Fiesta Conference bilang pantapat sa mga imports. Mas matangkad siya ng dalawang inches sa mga import na ang height limit ay 6-6. Pakikinabangan siya ng Alaska Milk sa puntong ito dahil sa makakarelyebo niya sa gitna si Joaquim Thoss.
Ayon kay Tanquingcen, “we really projected Eman to hopefully become somebody who could contribute in the long run. However, circumstances came up, somebody else took the initiative to make him part of their future. I wish him well. Ganun talaga ang basketball. Whatever happens, you do what’s best for you and your family. If he thinks that’s the best decision you can’t fault him for that. Hindi nagkulang ang San Miguel sa kanya. Iyan ang masasabi ko for sure. We projected him for our future. Pinadala pa siya sa State for rehab.”
Nawala man si Eman, patuloy pa ring itinuturing na powerhouse squad ang Beermen.
At sa totoo lang, hindi naman ginalaw ng San Miguel Beer ang gitna nito bilang paghahanda sa Fiesta Conference na magsisimula bukas.
Ang ginalaw ng San Miguel Beer ay ang backcourt nito nang kunin si Alex Cabagnot buhat sa Air21 kapalit ni Mike Cortez at Joseph Yeo buhat sa Sta. Lucia Realty kapalit ni Bonbon Custodio.
Sa kasalukuyan ay satisfied si Tanquingen sa kanyang frontline.
- Latest
- Trending