MANILA, Philippines - Pinatotohanan ng mga Filipino booters ang kanilang pagiging “Miracle Team” nang kuhanin ang malaking 6-2 panalo kontra Brazil sa Deloitte Street Child World Cup indoor football tournament sa Durban, South Africa.
Mula sa 0-2 kabiguan sa Tanzania noong Miyerkules, itinala ng koponan ang 4-1 halftime lead bago humataw ng dalawa pang goals sa harap ng South African gallery.
Ito ang unang pagkakataon na tinalo ng mga Filipino booters ang mga Brazilians sa isang international level.
Tinapos ng tropa ang Group B preliminaries na may 1-2 win-loss slate.
“We prayed for a breakthrough for the RP ‘Miracle Team,’ and it was answered in a big way with this win over the Brazilians,” ani co-manager Ed Formoso, pinasalamatan ang sumuportang British charity Angus Lawon Memorial Trust.
Pinuri rin ni Formoso ang Henry V. Moran Foundation na siyang nagdaos ng tryouts para sa pagbuo ng koponan patungo sa South African soccerfest.
“It seems that Tinikling footwork beat Samba footwork,” wika naman ni RP women’s team skipper Marielle Benitez.
Si Benitez, miyembro ng world-famous Bayanihan dance troupe, ang nagturo sa mga RP members ng popular folk dance.
Nakatakdang sagupain ngayon ng RP team ang Ukraine kung saan ang mananalo ang haharap sa magwawagi naman sa Shield semifinals sa pagitan ng host South Africa at Brazil para sa Shield Cup bukas.