MANILA, Philippines - Anuman ang mangyari sa Mayo 1 sa Las Vegas, sinabi ni Golden Boy CEO Richard Schaefer na bukas pa rin siya para buhayin ang negosasyon kay Top Rank chief Bob Arum para sa susunod na laban ni Manny Pacquiao.
Sa panayam ni boxing chronicler Michael Marley kay Schaefer, sinabi nitong makikipag-usap lamang siya kay Arum matapos ang banggaan nina Floyd Mayweather Jr. at Shane Mosley.
Sina Mayweather at Mosley ay nasa bakuran ng Golden Boy at kung sinuman ang mananalo ay maaring itapat kay Pacquiao, nagmula sa isang 12-round demolition kay Joshua Clottey sa Dallas.
“Come May 2, it’s a different story. Then we can talk about the May 1 winner fighing Pacquiao but not before. I will not talk about any other fight until that fight is over,” ani Schaefer .
Nauna nang sinabi ni Pacquiao na kahit sino kina Mayweather at Mosley ay puwede niyang labanan bukod pa kay Venezuelan knockout artist Edwin Valero na minamataan ni trainer Freddie Roach.
Ang Pacquiao-Mayweather megafight ang posibleng magbigay sa dalawa ng tig-$30 milyon.
Nguinit hindi pa tiyak kung makikipag-usap muli si Arum kay Schaefer.
Nainis si Arum kay Schaefer matapos alisin ang kanilang pulong ni Dallas Cowboys owner Jerry Jones para sa Pacquiao-Mayweather fight.
Bunga na rin ng drug-testing procedure na ipinipilit ni Maywewather ay nabulabog ang negosasyon nila ni Pacquiao.
Ngunit kung maaagaw ni Mayweather ang hawak na WBA welterweight crown ni Mosley ang laban kay Pacquiao, ang WBO welterweight king, ang posibleng magtakda sa kanilang unification fight. (Abac Cordero)