MANILA, Philippines - Kumpiyansa si Drian “Gintong Kamao” Francisco sa tsansa nitong manalo laban kay Ricardo Nuñez kapag nagkrus na ang kanilang landas sa Abril 17 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang labanan nina Francisco at Nuñez ay isang WBA super flyweight eliminator at ang mananalo ay magkakaroon ng pagkakataon na lumaban sa lehitimong titulo sa susunod nitong akyat sa ring.
Ang nasabing laban ay naunang itinakda nitong Marso 14 pero ipinagpaliban sa huling linggo ng buwang ito.
Ang pagkakaurong ng laban ay malugod namang tinanggap ni Francisco dahil magagamit niya ang dagdag na oras para mas mapaghandaan ang kalaban.
“Sanay naman na ako sa napo-postpone ang laban ko. Kaya ang magagawa ko ay mas makakapag-ensayo ako sa laban,” wika ng 27-anyos tubong Agoncillo, Batangas na boxer na may ring record na 18 panalo sa 19 laban kasama ang isang tabla.
Papasok siya sa sagupaan mula sa kagulat-gulat na 10th round technical knockout win laban sa beteranong si Roberto Vasquez noong Oktubre 3 sa Cuneta Astrodome.
Aminado si Francisco na hindi birong kalaban si Nunez matapos magkaroon ng 17 panalo at isang talo karta kasama ang 15 KO. (Luz M.Constantino)