Liderato pag-aagawan ng Pharex, Excelroof
MANILA, Philippines - Makaraang masikwat ang unang semifinals berth, wala namang balak ang mainit na Pharex B Complex na pakawalan ang No. 1 seat.
Nakatakdang maghiwalay ng landas ang Fighting Maroons at ang Excelroof 25ers ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang labanan ng Ascof Lagundi at talsik nang Ani-FCA sa alas-4 sa 2010 PBL PG Flex Erase Placenta Cup sa The Arena sa San Juan.
Kasalukuyang magkasalo sa liderato ang Pharex at ang Excelroof mula sa magkatulad nilang 5-1 rekord.
“They are a strong team with championship experience and playing against them is a good way to prepare us for the next round,” wika ni Fighting maroons’ head coach Aboy Castro sa 25ers ni Ato Agustin.
Sumasakay sa isang four-game winning streak ang Pharex, kasama na rito ang 86-83 paggupo sa AddMix noong Marso 11.
Nanggaling naman ang Excelroof sa isang 89-82 panalo sa Cossack Blue upang iposte ang kanilang pangatlong sunod na arangkada.
“It’s going to be an interesting one. Magandang match-up, kaya matinding laban ito,” sabi ni Agustin, inihatid ang San Sebastian College sa korona ng nakaraang 85th NCAA season bilang rookie coach.
“May chemistry na ang team since most of them are from San Sebastian, so it’s just a matter of fine-tuning and how Ato motivates the rest of our players,” dagdag ni team manager Oliver Gianan sa 25ers. “But we have to play harder against Pharex.”
Pangungunahan nina Jimbo Aquino, Calvin Abueva, Pamboy Raymundo, 6-foot-6 Ian Sangalang, Chester Taylor at Gilbert Bulawan ang Excelroof katapat sina Vic Manuel, Woody Co, Ford Arao, JR Tecson, Arvie Braganza at Marlon Adolfo ng Pharex.
- Latest
- Trending