'Kung kay Clottey 'di ako nahirapan, kay Mayweather pa kaya' - Pacquiao
HOLLYWOOD — Kung hindi siya nahirapan kay Joshua Clottey, mas lalo kay Floyd Mayweather Jr.
Ito ang pahayag ni Manny Pacquiao matapos ang kanyang unanimous decisioon victory kay Clottey.
“His style is not as difficult as Clottey. It’s easy to study,” wika ni Pacquiao kay Mayweather.
Sa laban kay Clottey, inamin ni Pacquiao na ibinigay niya ang kanyang depensa kay Clottey.
“Kaya eh,” ani Pacquiao matapos bumaba mula sa chartered Boeing 737-800 na nagdala sa kanyang asawang si Jinkee, kanyang pamilya, team members at mga kaibigan mula Dallas hanggang Los Angeles.
Nakasuot ng overcoat at Fedora at Ferragamo shades, nagtungo si Pacquiao sa “Air Pacquiao” jumbo jet para makasama ang kanyang mga pasahero kasunod ang pakikipaglaro ng baraha.
Sinabi ni Pacquiao na sinubukan niyang gibain ang depensa ni Clottey sa hangaring makakuha ng pagkakataon para sa isang knockout.
“Ayaw sumuntok eh kaya nagpapasuntok na din ako,” sabi ni Pacquiao. “Para bumukas.”
Ito rin ang inaasahan niyang mangyayari kapag naitakda ang kanilang banggaan ni Mayweather, kilala ring magaling sa depensa.
“But Mayweather must do his business first,” wika ni Pacquiao sa American fighter na hahamon kay WBA welterweight champion Shane Mosley sa Mayo 1 sa MGM Grand sa Las Vegas.
“Floyd, come to the ring and fight us,” wika naman ni trainer Freddie Roach.
Matapos bumiyahe buhat sa Dallas, sinakyan ni Pacquiao ang kanyang two-seater Mercedes kasama si Jinkee papunta sa kanilang $2 million home sa Larchmont Park. (Abac Cordero)
- Latest
- Trending