Pacman 'di pa panahon para magretiro - Arum
MANILA, Philippines - Hindi pa napapanahon para magretiro na si Manny Pacquiao.
Ito ang inihayag ni Top Rank promoter Bob Arum kasabay ng pagsisiwalat ng paniniwalang hindi lalaban si Floyd Mayweather Jr. sa Pambansang kamao.
Muling inulit ng ina ni Pacquiao na si Aling Dionisia ang kanyang panawagan na magretiro na ang pambatong boksingero ng bansa matapos ang unanimous decision tagumpay kay Joshua Clottey.
Para kay Aling Dionisia, wala ng dapat pang patunayan si Pacquiao kung kaya’t dapat na itong bumitiw habang walang nangyayaring masama sa pangangatawan nito.
Ang linyang ito ay sinusugan din ni trainer Freddie Roach na pinagreretiro na si Pacquiao lalo na kung makaharap na niya si Floyd Mayweather Jr.
Pero para kay Arum, hindi maganda na sa puntong ito mamamahinga na ang Pambansang kamao dahil para sa kanya ay hindi pa nito naaabot ang rurok ng kanyang boxing career.
“His performance against Clottey was an improvement compared when he fought Miguel Cotto. He continues to improve in his fights and it means he has yet to really reach his peak,” wika ni Arum sa panayam ng Sports Chat.
“It will be a shame if Manny quits at the pinnacle of his career,” dagdag pa nito.
Dapat lamang na mag-isip si Pacquiao na mamahinga na kung mararamdaman nito na hindi na niya maibigay ang larong nakikita sa kanya sa ngayon.
Binanggit pa nga ni Arum ang mga pangalan tulad nina Antonio Margarito, Edwin Valero at Juan Manuel Marquez bilang mga potensyal na makakalaban na hahakot din sa takilya.
Balak din niyang kausapin ang kampo ni Mayweather upang sikaping maikasa ang mega-fight na naudlot dahil sa kagustuhan ni Mayweather na magpakuha sila ng dugo ni Pacquiao bilang bahagi ng drug testing.
Pero duda pa rin si Arum kung tatanggapin ni Mayweather ang laban matapos nga ang ipinakitang bilis ng pagsuntok ni Pacquiao laban sa mas malaki na si Clottey.
“I doubt if he will agree to fight Manny. Mayweather is not stupid, he will loss his bout with Pacquiao. He does not throw many punches and will be afraid to move up and face Manny,” dagdag pa nito.
Matapos ang pagpapanatili ng titulo sa WBO welterweight ni Pacquiao, lumabas uli ang kahilingan ng mga boxing fans na magsagupa ang dalawang hinirang na world pound for pound champion.
Kasama na nga sa nanawagan ay si Jerry Jones, ang may-ari ng Cowboy’s Stadium na dinumog ng 50,994 upang saksihan ang laban ni Pacman.
“Floyd should do this. It would really be a great contribution to boxing, the aura of the fight would make it great to watch. Let us have this big fight, Floyd,” wika pa ni Jones.
- Latest
- Trending