MANILA, Philippines - Nangapa si Marestella Torres sa pormang naghatid sa kanya sa tagumpay sa malalaking torneo noong nakaraang taon nang hindi makitaan ng magandang resulta sa paglahok sa 2010 World Indoor Athletics Championships sa Doha Qatar.
Unang pagkakataon ni Torres na masali sa isang Indoor Championships at pumasok sa laban buhat sa matagumpay na kampanya sa Laos SEA Games nang basagin niya ang SEAG at RP record sa long jump sa naitalang 6.68 meter marka.
Ngunit ang mahabang bakasyon ay ininda ng 29 anyos na si Torres dahil ang naitalang pinakamagandang lundag sa tatlong qualifying jumps para mapasok sa final eight ay nalagay lamang sa 6.06 meters.
Ang nauna at huling lundag nga ni Torres ay hindi nga pumasok sa 6-meter marka dahil nagrehistro lamang ito ng 5.75m at 5.89m.
Umabot sa 19 bansa at 21 atleta ang lumahok sa torneo at nalagay si Torres sa 19th at 20th place kasama ni C.D. Priyadharshani Nawanage na mayroon ding katulad na marka ng SEAG champion.
Nangulelat naman si Janice Josephs ng Saudi Arabia sa 6.02 metro habang hindi na sumali ang isa pang entrada ng Brazil na si Eliane Martins.
Wala namang epekto ito sa gagawing paghahanda ni Torres, isa sa pinarangalan bilang Athlete of the Year ng PSA, para sa Asian Games dahil sasabak nga ito sa anim na buwang pagsasanay mula Abril sa Germany.
Magkatuwang ang PATAFA at PSC upang maisagawa ang intensibong training ni Torres na maghahangad na mawakasan din ang 24 na taong pagkauhaw ng Pilipinas na gintong medalya sa tuwing apat na taong kompetisyon.
Si Lydia De Vega-Mercado ang huling manlalaro sa athletics na nakapag-uwi ng ginto na nangyari noon pang 1986 sa Seoul, Korea sa larangan ng 100m dash.