MANILA, Philippines - Sa mga madalas o sa sinumang mahilig mag-ehersisyo, isa ring magandang halimbawang masusundan ang mga pamamaraang ginagawa ni People’s Champ Manny “Pacman” Pacquiao para manatiling malakas at malusog.
Maling persepsyon kung aakalaing para lang sa mga boksingero ang sinasabing mga routine exercise ni Pacman. Magagamit din ng sinumang mapagmatyag sa kanilang kalusugan ang mga makilos niyang aktibidad.
Isa ring pagtataguyod sa pag-eehersisyo ang mga naglalabasang mga ulat hinggil sa mga pamamaraan ni Pacman sa pagpapalakas ng katawan.
Matagal nang itinuturo ng mga health expert at ibang dalubhasa sa medisina at siyensiya ang kahalagahan ng ehersisyo para manatiling malusog ang katawan.
Hindi lang sa katawan nagpapalusog ang ehersisyo. Maging sa isip din ng tao. Nakakatulong din ito para maging alerto lagi at maaliwalas ang pag-iisip natin.
Pero, siyempre, sa mga baguhan o sa mga nangangarap maging boksingero, isang modelo si Pacman na kanilang matutularan kung hindi man higitan para magtagumpay din sila sa larangang ito.
Sa mga boksingero kasi, matindi o masidhing ehersisyo ang kailangan nilang gawin para maligtasan ang 12 round ng “bugbugan” sa ring.
Meron nga sa kanila na tumatakbo pa nang paakyat sa bundok, nagbubuhat ng troso o malalaking bato o bakal, o kaya ay nagpupunta sa mga lugar na higit na magpapahirap sa kanilang katawan. At karaniwan na nga ang jogging sa araw-araw nilang ehersisyo.
Sa mga naunang panayam kay Pacman, sinasabi niyang pinapalitan din niya ang araw-araw niyang paraan sa ehersisyo. Bukod pa rito ang mga panahong ginugugol niya sa gym.
Ayon pa kay Pacman sa isang panayam, tumatagal nang 45 minuto ang kanyang pagtakbo (jogging), umaabot sa 2,000 ang bilang ng kanyang mga tinatawag na sit-up at 20 minuto naman sa jump rope.
Sumusuntok siya sa heavy bag nang apat o limang round habang 20 minuto naman sa speed bag.
Ano pa ba ang ibang routine exercise niya? Bukod sa jogging, nariyan ang push up, punch milt, speed ball, double endball, shadow boxing o pagpalo ng stick sa kanyang tiyan.
Isa rin sa sinubukan ni Pacman ang tinatawag na plyometrics. May mga ilang kumontra sa ginawa niyang ito pero sinasabing ipinagpatukoy pa rin niya ang ganitong klase ng ehersisyo.
Sinasabing ang plyometrics ay isang klase ng ehersisyo na naglalayong gawing mas mabilis at mas malakas ang bawat kilos at higit na mapabuti ang nervous system ng isang atleta.
Ayon sa Wikipedia, ginagamit sa plyometrics ang malakas at mabanat na kalamnan (muscles) ng katawan para makatalon nang mas mataas, makatakbo nang mas mabilis, at makasuntok nang mas malakas at mas mabilis depende sa layunin ng pagsasanay.
“Nararamdaman ko ang pagbabago sa aking sistema, nakita kong mas lumaki ang ilang bahagi ng aking katawan at masaya ako,” sabi nga ni Pacman sa isang hiwalay na panayam. “Ibibigay ng siyensiyang ito ang kinakailangan kong sukat at lakas sa likod ng aking mga suntok.”
Kaya hindi katataka na naabot ni Pacman ang yugto na, sa kasaysayan ng boksing, siya ang unang boksingerong nanalo ng pitong world title sa pitong iba’t ibang weight division.