^

PSN Palaro

Halimbawa ni Pacman

- Ni Ramon Bernardo -

MANILA, Philippines - Sa mga madalas o sa sinumang mahilig mag-ehersisyo, isa ring magandang halimbawang masusundan ang mga pa­mamaraang ginagawa ni People’s Champ Manny “Pacman” Pacquiao para manatiling malakas at ma­lusog.

Maling persepsyon kung aakalaing para lang sa mga boksingero ang sinasabing mga routine exer­cise ni Pacman. Ma­ga­gamit din ng sinumang mapagmatyag sa kanilang kalusugan ang mga makilos niyang aktibidad.

Isa ring pagtataguyod sa pag-eehersisyo ang mga naglalabasang mga ulat hinggil sa mga pama­maraan ni Pacman sa pagpapalakas ng katawan. 

Ma­tagal nang itinuturo ng mga health expert at ibang dalubhasa sa medi­sina at siyensiya ang kahalagahan ng ehersisyo para manatiling malusog ang katawan. 

Hindi lang sa katawan nagpapalusog ang ehersis­yo. Maging sa isip din ng tao. Nakakatulong din ito para maging alerto lagi at maaliwalas ang pag-iisip natin. 

Pero, siyempre, sa mga baguhan o sa mga nanga­ngarap maging boksingero, isang modelo si Pacman na kanilang matutularan kung hindi man higitan para magtagumpay din sila sa larangang ito.

Sa mga boksingero ka­si, matindi o masidhing ehersisyo ang kailangan nilang gawin para maligtasan ang 12 round ng “bugbugan” sa ring.

Meron nga sa kanila na tumatakbo pa nang pa­akyat sa bundok, nagbubuhat ng troso o malalaking ba­to o bakal, o kaya ay nag­pupunta sa mga lugar na higit na magpapahirap sa kanilang katawan. At ka­raniwan na nga ang jogging sa araw-araw nilang ehersisyo.

Sa mga naunang pa­nayam kay Pacman, sinasabi niyang pinapalitan din niya ang araw-araw niyang paraan sa ehersis­yo. Bukod pa rito ang mga panahong ginugugol niya sa gym.

Ayon pa kay Pacman sa isang panayam, tumatagal nang 45 minuto ang kanyang pagtakbo (jogging), umaabot sa 2,000 ang bi­lang ng kanyang mga ti­na­tawag na sit-up at 20 minuto naman sa jump rope. 

Sumusuntok siya sa hea­vy bag nang apat o li­mang round habang 20 minuto naman sa speed bag.

Ano pa ba ang ibang routine exercise niya? Bukod sa jogging, nariyan ang push up, punch milt, speed ball, double endball, shadow boxing o pagpalo ng stick sa kanyang tiyan.

Isa rin sa sinubukan ni Pacman ang tinatawag na plyometrics. May mga ilang kumontra sa ginawa niyang ito pero sinasabing ipinagpatukoy pa rin niya ang ganitong klase ng ehersisyo.

Sinasabing ang plyometrics ay isang klase ng ehersisyo na naglalayong gawing mas mabilis at mas malakas ang bawat kilos at higit na mapabuti ang nervous system ng isang atleta.

Ayon sa Wikipedia, gi­nagamit sa plyometrics ang malakas at mabanat na kalamnan (muscles) ng katawan para makatalon nang mas mataas, maka­takbo nang mas mabilis, at makasuntok nang mas ma­lakas at mas mabilis de­pende sa layunin ng pag­sasanay.

“Nararamdaman ko ang pagbabago sa aking sistema, nakita kong mas lumaki ang ilang bahagi ng aking katawan at masaya ako,” sabi nga ni Pacman sa isang hiwalay na panayam. “Ibibigay ng siyensiyang ito ang kinakailangan kong sukat at lakas sa likod ng aking mga suntok.”

Kaya hindi katataka na naabot ni Pacman ang yugto na, sa kasaysayan ng boksing, siya ang unang boksingerong nanalo ng pitong world title sa pitong iba’t ibang weight division. 

AYON

BUKOD

CHAMP MANNY

ISA

MAS

NANG

PACMAN

PARA

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with