MANILA, Philippines - Nakatakdang dumating sa bansa bukas si balik-import Anthony Johnson para muling banderahan ang Sta. Lucia para sa darating na 2009-2010 PBA Fiesta Conference na nakatakda sa Marso 21.
Kumpara sa pagpaparada ng ilang koponan ng mga bagong reinforcements, sinabi ni head coach Boyet Fernandez na mas pinahalagahan nila ang kanilang naging pakikisama ni Johnson sa mga Realtors.
“Ayaw na naming mag-gamble kasi maganda na ‘yung ipinakita niya sa amin last Fiesta Conference where he averaged about 24 points and 15 rebounds a game,” ani Fernandez kay Johnson.
Sa likod ng 6-foot-6 na si Johnson, nakapasok ang Sta. Lucia sa quarterfinal round ng nakaraang PBA Fiesta Conference na pinagharian ng San Miguel.
Tinalo ng Beermen, ibinandera si Best Import Gabe Freeman, ang Ginebra Gin Kings sa championship series.
Agad na makakasagupa ng Realtors ang Barako Bull Energy Boosters sa pagbubukas ng torneo sa Marso 21 sa ganap na alas-4 ng hapon bago ang salpukan ng Gin Kings at Talk ‘N Text Tropang Texters sa alas-6:30 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Itatampok ng Ginebra si NBA veteran Arvee Stowey, habang tatapat naman ng Talk ‘N Text si European League campaigner Eric Hicks.
Ang iba pang tropang may import na ibabandera ay ang Alaska (Diamon Simpson), Rain or Shine (Jai Lewis) at Coca-Cola (James Penny). (Russell Cadayona)