MANILA, Philippines - Isang papasibol na mananakbo mula St. Clare College of Caloocan at isang beterano ang nagpasikat sa idinaos na 1st Pocari Sweat Fun Run kahapon sa Bonifacio Global City, Taguig.
Si Janette Lumidao, isang 18 anyos freshman na kumukuha ng kursong BS Hotel and Restaurant Management, ang nagdomina sa kababaihan upang masamahan ang beteranong Armyman na si Alquin Bolivar sa pagkopo ng titulo sa 10k event.
Isang triple gold medalist sa nakaraang athletics competiton sa NAASCU sa larong 800m, 1,500m at 3,000m, walang hirap na pinagharian ni Lumidao ang kanyang dibisyon nang walang makasabay matapos ang maagang pag-arangkada tungo sa solo na pagtawid sa meta.
May bilis na 42 minuto si Lumidao upang hiyain ang mga nakalabang sina Merlyn Lumagbas at Natasha Davis na tumapos sa malayong pangalawa at pangatlong puwesto sa 50:49 at 51:45 tiyempo
Si Bolivar naman ay nakipaggitgitan sa nakalabang si Gerald Sabal at nanalo lamang ng maunang mailusot ang katawan sa meta.
Sa tindi nga ng kompetisyon ng dalawang runners na nabanggit ay dalawang segundo lamang ang inilayo ni Bolivar kay Sabal sa 35:47 tiyempo ng una laban sa 35:49 ng huli.
Nasa ikatlong puwesto si Carlito Fantilaga sa 37:01 oras.
Ang nagkampeon ay nag-uwi ng P5000 habang P3000 at P2000 naman ang nakuha ng pumangalawa at pumangatlo sa magkabilang dibisyon.
Nakapagdomina naman si Maricel Maquilan (20:59) at Jujet De Asis (16:22) sa 5-k event upang maibulsa rin ang P5,000 gantimpala sa karerang inorganisa ng Evangelista Sports Management Inc. na pag-aari ng dating water polo player na si Darren Evangelista.
Sina Michael Bacong at Collen Callado naman ang nanguna sa 3K para makuha naman ang gift certificate na ipinagkaloob ng nagtataguyod na Pocari Sweat na kinatawan ng ASEAN sub-leader ng Otsuka Pharmaceutical Japan Yasushi Masai. (AT)