2 Pinoy undercard sa laban ni Pacquiao
MANILA, Philippines - Dalawang Filipino boxer ang itatampok sa undercard ng “The Event” nina Manny Pacquiao at Joshua Clottey bukas sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.
Ang mga ito ay sina featherweight Michael Farenas at bantamweight Eden Sonsona, nakatatandang kapatid ni dating world super flyweight king ‘Marvelous’ Marvin Sonsona.
Makakatapat ni Farenas, nagdadala ng 26-2-3 win-loss draw ring record kasama ang 23 KOs, si Joe Morales (20-13-0, 4 KOs) para sa isang eight-round bout.
Sasagupain naman ni Sonsona (18-5-0, 5 KOs) si dating bantamweight champion Mauricio Pastrana (35-12-2, 24 KOs) sa isa ring eight-round fight.
Ang 25-anyos na si Farenas ay ang kasalukuyang World Professional Boxing Federation (WPBF) featherweight titlist matapos talunin si Sathian Sokham via first-round KO noong Enero 8 sa Mandaluyong City Gymnasium. (RC)
- Latest
- Trending