Bagong programa ng DOH ilulunsad ngayon sa RMSC, PGMA panauhin
MANILA, Philippines - Dadaluhan ng Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang paglulunsad ng isang bagong programa ng Department of Health na gagawin sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ang programang ito ay ang Generic Mascot na sisimulan ganap na ala-1 ng hapon sa bagong gawang boxing gym sa Complex na pinamamahalaan ng Philippine Sports Commission (PSC).
Ang pagbisita ay sasamantalahin din ng PSC officials upang maipakita sa Pangulo ang kasalukuyang antas ng Complex.
Kasamang dadalo sa seremonya si PSC chairman Harry Angping at ang kanyang board upang bigyan ng suporta ang programa ng DOH na pamamahalaan ni Secretary Esperanza Cabral.
Matapos ito ay inaasahang aayain ni Angping ang Pangulo upang maipakita ang kabuuan ng Complex na sa ngayon ay kinukumpuni upang magkaroon ng maayos na pasilidad na hindi lamang angkop sa mga manlalaro kungdi maging angkop din sa mga bumibisita sa palaruan.
Isa nga sa isinasagawa sa Rizal Memorial Complex ay ang pagkumpuni sa harapan nito na kung saan isang maliit na mall ang ipinagagawa upang mas maging kaaya-aya sa mga namamasyal.
Ang mga dormitory ay kinukumpuni rin habang may balak din ang pamunuan ng PSC na magtayo ng sports academy sa loob ng complex.
Isa rin sa magarbong plano ay ang pagsasaayos sa Rizal Memorial Track Oval at gawin ito bilang isang world class football stadium. (Angeline Tan)
- Latest
- Trending